Makulit sa inuman, pinagtataga

RIZAL – KRITIKAL ANG 24-anyos na obrero matapos na pagtatagain ito ng nakulitang kainuman kamakalawa ng hapon sa Antipolo City.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang biktima na si Jay-R  Mendoza, binata, construction worker, residente ng Rizal View Park, Sitio Abuyod, Brgy. San Jose ng nasabing lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Ambo”, kapitbahay ng biktima na tumakas dala ang itak na ginamit sa pananaga.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon sa kanilang lugar kung saan ay nag-iinuman ang suspek at ang biktima kasama ang iba pang kalugar.

Nabatid na naging makulit ang biktima nang malasing ito dahilan para sansalain ng suspek na ikinairita naman nito.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at biktima hanggang sa suntukin ng huli ang una sa mukha na agad namang naawat ng mga kalugar.

Dahil sa agrabyado at napahiya sa mga kainuman, bumalik ang suspek na armado na ng itak at agad na sinugod at pinagtataga ang biktima.

Sa tulong ng mga kalugar, naisugod sa Antipolo Community Hospital ang biktima at ngayon ay nilalapatan ng lunas.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 9859 stories on this site.

Comments are closed.