Make-up kit, ninakaw rin Beauty parlor, nilooban

HINDI PINATAWAD NG mga kawatan na tangayin ang make-up kit makaraang pasukin ng mga ito at looban ang isang salon habang nasa kasagsagan ang pananalasa ng bagyong Falcon kamakalawa ng madaling-araw sa Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang puwersahang pasukin ng mga suspek at looban ang Hair Republic Salon and Body na matatagpuan sa # 410 A. Mabini St., Poblacion, Caloocan City.

Ayon sa may-ari ng salon na si Paul Reyes, 48, may-asawa, ng Lot. 19, Phase 4-A, Sto. Niño St., Balete Drive, Meycauayan, Bulacan, tumungo ito sa nasabing establisimyento upang alamin kung pinasok ng baha ang kanyang salon.

Subalit, nagulat na lamang ito nang makita niyang sira na ang pinto at basag na ang mga salamin at wala na rin ang flat screen TV nito na nagkakahalaga ng P40,000, ilang make-up kit at pera na P5,000 na nakalagay sa loob ng drawer.

Dahil dito, agad namang tumungo sa naturang himpilan ng pulisya ang biktima upang ipagbigay-alam ang nasabing insidente.

Bago ang insidente, ilang kalugar ang nagsabi na may tatlong kalalakihan ang umaaligid sa harap ng salon, subalit hindi umano nila ito pinansin sa pag-aakalang nakikisilong lamang ang mga ito dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng Caloocan Police para sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip sa tatlong di-kilalang salarin na mabilis na tumakas matapos ang panloloob.  (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.