Makapal ang mukha at makapal ang apog

ANG TRAFFIC ENFORCER ng MAPSA na si Reynaldo Limbo ay ehemplo ng isang kawani ng gobyerno na saksakan ng kapal

ang mukha. Kapag tinaga mo siguro ng samurai ang mukha ni Limbo, baka mabungi pa ang talim ng samurai sa sobrang kapal ng kalyo sa mukha ng taong ito.

Noong November 4, habang namamasada ang jeepney driver na si Rowen Macariola sa rutang

Guadalupe–Pateros, sumakay ang nakaunipormeng si Limbo. ‘Di kalaunan, nag-abot ito ng P20 para bayad sa kanyang pamasahe.

Tinanggap ni Macariola ang pera at sinuklian niya si Limbo ng P13 dahil pitong piso lamang ang halaga ng pamasahe nito. Pero nagalit si Limbo, hindi dahil sa mali ang isinukli ni Macariola kundi dahil tinanggap niya ang bayad ng nakaunipormeng traffi c enforcer.

Para kay Limbo, animo’y pambabastos sa kanyang uniporme ang ginawa ni Macariola. Para sa kanya, tatak ng kapangyarihan ang kanyang kasuotan at ito ay dapat na kinakatakutan ng mga jeepney driver.

Agad na hiningi ni Limbo ang lisensiya ni Macariola. Nang tanungin ng jeepney driver kung ano ang kanyang violation, sinabi ng traffi c enforcer na matigas ang ulo ni Macariola at hindi marunong umintindi kaya dapat siya

ay matiketan.

Tiniketan ni Limbo si Macariola, at sa TVR sinulatan niya ito ng violation na 58. Nagtaka si Macariola dahil hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng 58.

Noong November 10, dumulog si Macariola sa WANTED SA RADYO para magsumbong. Agad namang tinawagan namin ang MAPSA para alamin kung ano ang ibig sabihin ng violation na 58. Ngunit wala ni isang tao sa MAPSA na aming napagtanungan ang makapagsabi ng kahulugan ng 58.

Pero ayon kay Captain Bartolome Agravante, ang deputy chief ng MAPSA, si Limbo ay hindi naman talaga traffi c enforcer na nanghuhuli at naniniket ng mga motorist na gumagawa ng moving violation kundi siya ay traffi c enforcer ng towing department ng MAPSA.

Sumiklab sa galit si Agravante nang marinig niya ang sumbong. Nangako itong ipatatawag si Limbo at papatawan ng karampatang parusa.

ISANG REKLAMO PA rin ang natanggap ng WSR. Ayon sa kamag-anak ng isang inmate sa Caloocan City Jail, lahat

ng mga preso sa nasabing kulungan ay pilit na binebentahan ng tatlong pirasong candy sa halagang P10. Ang ayaw bumili o walang pambili ay binabartolina.

At lahat ng mga preso roon na nakatatanggap ng bawat dalaw ay kailangang magbigay ng P20 hanggang P30. Kapag hindi nakapagbigay ng pera ang presong dinalaw, ito ay dinadala raw sa isang selda at hinahampas ng baseball bat.

Hindi na mabilang ng WSR ang samu’t saring sumbong na aming natanggap tungkol sa iba’t ibang klaseng katiwalian sa Caloocan City Jail simula nang maupo ang warden dito na si Supt. Lyndon Torres.

Makailang beses nang naiparating ng WSR kay Torres ang nasabing mga sumbong ngunit patuloy pa ring nagaganap ang mga kalokohan doon. Matigas lang ba ang ulo ni Torres o makapal lang ang apog nito at wala siyang kinatatakutan?

Nangako si Gen. Rosendo Dial, ang chief ng BJMP na tutuldukan na niya ang mga katiwalian sa Caloocan City Jail. Magmamatiyag ang WSR.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.