Maingay sa Bertdeyan, Kritikal sa Sumpak

NAKIKIPAGLABAN NGAYON kay kamatayan ang isang laborer makaraang barilin ng sumpak ng kanyang kapitbahay nang bigla umanong magising ang huli sa maingay na likha ng grupo ng biktima habang nagselebra ito ng kanyang kaarawan sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nakaratay at inoobserbahan ngayon sa Manila Central University (MCU) hospital ang biktimang si Ryan Teofisto, 22, binata, laborer at residente ng # 106 Libis Bukid Baesa, Brgy. 160 ng nabanggit na lungsod.

Kaagad namang naaresto ng mga bartangay tanod ang suspek na nakilalang si Robert Aquino, 46, may asawa at kapitbahay ng biktima.

Base sa isinagawang imbestigsyon ni PO1 Nephalie Buensuceso, ng Caloocan PNP at may hawak ng kaso, ang insidente ay naganap sa Libis Bukid, Barangay 160.

Bago maganap ang insidente, ang biktima at ilang mga kaibigan nito ay nag-iinuman sa harap ng kanyang bahay nang bigla umanong magising ang suspek sa malakas na ingay na likha ng grupo ng magkakaibigan.

Dahil dito ay pinuntahan ng huli na armado ng sumpak ang mga nag-iinuman at saka kinompronta ang biktima na humantong sa isang mainitang pagtatalo.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ay agad na binaril ng sumpak ng suspek ang una na tinamaan sa dibdib at naglagos sa likurang bahagi nito.

Ang biktima ay agarang dinala ng kanyang mga kaanak sa nasabing pagamutan habang si Aquino naman ay agad ding naaresto ng mga nagrespondeng barangay tanod.

Si Aquino ay kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Caloocan PNP at nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.