Magulang Na ‘Di Nagpapaaral Ng Anak, Ipakukulong

NAHAHARAP SA ISANG taong pagkakakulong at limang libong pisong (P5,000) multa ang sinumang magulang  na hindi nagpapaaral ng kanilang mga anak sa Quezon City.

Nakapaloob sa ordinansa ni ABC President at Quezon City Councilor Ranulfo Z. Ludovica, na lahat ng mga magulang at guardian sa buong Lungsod Quezon ay mapaparusahan kung hindi nila pag-aaralin ang kanilang mga anak at iba pang bata na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

Ayon kay Councilor Ludovica, ang layunin ng kanyang ordinansa ay upang makaiwas sa pagkalulong sa bisyo ang kabataan sa buong lungsod, partikular aniya sa ipinagbabawal na droga, prostitusyon at iba pang aktibidad na labag sa batas.

Nakasaad din sa ordinansa, na binibigyan lang ng mga magulang ng pagkakataon ang kanilang mga anak na hindi pinapag-aral na mabiktima ng prostitusyon, diskriminasyon at mapabilang sa out-of-school- youth sa buong bansa.

Sinabi pa ni Ludovica na hindi dahilan ang kahirapan para hindi makapag-aral ang kanilang mga anak.

Anya, maaari namang tulungan ang mga magulang ng Quezon City government para mabigyan sila ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng Sikap Buhay Entrepreneurship and Cooperative Office sa pagdalo sa seminars ng Social Services and Development Department.

Idinagdag pa ni Ludovica, obligasyon  ng mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak, mahirap man sila o mayaman sa pampribado o pampublikong paaralan.

Ang nasabing ordinansa ay nakapailalim sa Republic Act No. 7610 mas lalong kilala sa “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation”,  na inamyendahan sa pamamagitan ng Republic Act No. 9231 na naglalayon na lahat ng mga bata ay magkaroon ng formal at non-formal education. (JOEL O. AMONGO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.