Magtiyuhin, Nagsaksakan; Kapwa Todas

PAREHONG NASAWI ang isang magtiyuhin makaraang magsaksakan ang mga ito matapos ang isang mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente si Mark Anthony Rosales, 22, binata habang hindi umabot ng buhay sa Manila Central University hospital ang tiyuhin ni Rosales na si Saturnino Samaco, 51, may-asawa at parehong naninirahan sa # 1371 DM Compound, Heroes Del 96 ng nasabing lungsod.

Base sa ulat ni PO2 Gerry Garces, may hawak ng kaso, bandang alas-5:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng magtiyuhin sa nasabing lugar.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Garces, bago umano maganap ang saksakan, ang batang biktima at si Samaco ay nakitang mainitang nagtatalo habang nagtatagayan ng alak sa hindi malamang kadahilanan.

Ang pagtatalo ng magtiyuhin ay agad namang naawat ng kanilang mga kaanak hanggang sa makatulog si Rosales at ang matandang biktima naman ay nagpatuloy umano sa pag-inom ng alak.

Habang natutulog ang batang biktima ay nilapitan umano ito ni Samaco at inundayan ng isang saksak ang kanyang pamangkin sa kaliwang bahagi ng dibdib dahilan upang magising ang batang biktima.

Ang nakatarak na patalin sa dibdib ni Rosales ay nagawa nitong bunutin at isinaksak sa kaliwang balikat ng kanyang tiyuhin.

Ang magtiyuhin ay parehong duguang humandusay sa sahig ng kanilang bahay, kung saan ang biktimang si Rosales ay agad na nalagutan ng hininga habang si Samaco naman ay mabilis dinala sa nasabing pagamutan kung saan ay hindi na umabot nang buhay. (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.