Magsasaka, Kritikal sa Nirapido

NASA KRITIKAL na kalagayan ngayon sa emergency room ng Bulacan Medical Center ang isang magsasaka sanhi ng apat na tama ng balang mula sa M-16 at M-14 rifles matapos paulanan ng bala kamakalawa ng gabi sa Sitio Duplas, Brgy. Calawakan, Doña Remedios Trinidad, Bulacan.

Sa ulat na nakarating sa Camp General Alejo Santos, kinilala ang biktimang si Elias Rangasajo, 57 anyos, residente  sa nabanggit na sitio.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng mga pulis, dakong alas-11:00 ng hating-gabi ng pagbabarilin ng bahay ng biktima.

Apat na tama ng bala ng baril ang tinamo ng biktima, isa sa leeg, dalawa sa dibdib at isa sa likurang bahagi ng katawan.

Ayon sa kapit-bahay ng biktima, tumangging magpabanggit ng pa-ngalan, kabilang umano siya sa pitong katao na pinagbantaang papatayin sa nabanggit na sitio. Aniya, una nang napatay si Jaime, lider ng Sitio Duplas nito lamang buwan ng Abril bago ang 2013 midterm elections at sumunod na ang kanyang kapit-bahay na si Elias.

Nabatid na bago ang insidente ng pamamaril sa bahay ng biktima ng dalawang riding-in-tandem, ilang minuto lamang ang lumipas, umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa ta-hanan ni Elias.

Labis naman ang naging takot ng mga residente sa nabanggit na sitio, dahil inakala nila na may nagaganap na engkwentro ng mga sundalo at rebeldeng NPA, bunsod ng palitan ng putok ng M-14 at M-16 rifles.

Ilang minuto pa ang lumipas, muling humarorot ang dalawang motorsiklo lulan ang apat na katao mula sa bahay ng biktima.

Samantala, bigo pa ring matukoy ng mga pulis kung ano ang motibo at kung sino ang nasalikod ng bigong pamamaslang.

Bunsod nito’y umapila naman ng tulong sa mga awtoridad ang asawa ng biktima na si Gng.Fe na agad resolbahin ang tangkang pagpatay sa kanyang asawa.

 (TONY DELA PEÑA)    

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.