Magsasaka at Kalabaw, Sabay Nakuryente, Patay

PATAY NA nang matagpuan ang isang magsasaka at ang kanyang alagang kalabaw matapos na makuryente  sa Brgy. Sapang Putik, San Ildefonso,Bulacan.

Kinilala ang biktima na si Victor Bernardo, 49 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Sapang Putik.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Ildefonso Police, bandang alas-2:20 ng hapon nang matagpuan ang katawan ng biktima katabi ang kanyang kalabaw na parehas na wala nang buhay.

Ayon sa kapit-bahay na si Mark Anthony Villasis, bandang alas-11:50 ng umaga, nakita na umano nito ang kalabaw na nakahiga at wala nang buhay sa malapit sa poste ng Meralco, kung saan dali-daling pinuntahan ni Villasis ang bahay ng biktima para sabihan ito sa nangyari sa alagang kalabaw.

Ngunit wala ang biktima sa kanilang bahay at napag-alaman na kinuha raw ang alagang kalabaw.

Agad na pinuntahan ng mga kamag-anak ang biktima sa lugar kung saan iniwan ang kalabaw at laking gulat ng mga ito nang makita ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay na may nakadikit na high-voltage wire sa kanang paa katabi ang alagang kalabaw.

May teorya ang pulisya na sabay na nakuryente ang biktima at ang alagang kalabaw.

 (TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.