Magpinsang Sheryl Cruz at Sunshine Cruz, tinapos na ang samaan ng loob

PAGKATAPOS NANG matagal-tagal ding hidwaan ng magpinsang Sheryl Cruz at Sunshine Cruz, natuldukan na ito at ngayon nga ay magkasama sila sa seryeng Galema, Anak ni Zuma.

Kung matatandaan, ang naging ugat ng pag-aaway ng dalawa ay nang ‘di makauwi si Sheryl nang mamatay ang amang si Ricky Belmonte. Ilang taon din ang tinagal ng nasabing tampuhan at ngayon ay natapos na ito.

Ayon nga kay Sheryl, masaya siya sa pagbabati nila ng pinsan. Na-miss niya ang pagiging magpinsan nilang dalawa kung saan ngayon ay bukas na ang komunikasyon sa pagitan nila.

Aminadong nagbukas din naman ng problema niya si Sunshine sa kanya, pero hindi na nagtanong pa si Sheryl nang higit pa sa kung ano ang dapat niyang itanong, lalo’t kasisimula pa lang nilang magkatrabaho sa Galema. Nalulungkot sa sitwasyon sa ngayon ng pinsan, pero naniniwala si Sheryl na matapang at matatag na hinaharap ni  Sunshine ang problema nito sa asawang si Cesar Montano, lalo’t may mga anak ang mga ito na sangkot.

Dumaan din sa ganitong sitwasyon nang mauwi sa hiwalayan ang pagsasama nila ng asawang si Norman Bustos, pinagpapasalamat ni Sheryl na maaayos naman ang relasyon nila ng dating asawa. Mahal nito ang kanilang anak at hindi ito nagkukulang ng suportang pinansiyal para sa buwan-buwan na pangangailangan ng kanilang anak na si Ashley.

Tinanong namin kung mayroon ba siyang inspirasyon sa ngayon, para kay Sheryl, lahat naman ay gustong makita ang taong makakasama niya sana sa buhay. Pero sa ngayon ay ayaw niya ng kumplikasyon dahil alam niyang kapag pumasok siya sa bagong pakikipagrelasyon ay seseryosohin niya ito na maaaring makagulo lang sa ngayon sa buhay niya. Ang anak na si Ashley ang tanging inspirasyon sa buhay at ang kanyang career kung saan excited si Sheryl sa challenging role na gagampanan niya sa Galema.

 

Piolo Pascual at Carlos Agassi scandal, kumakalat sa internet?!

 

NAAAWA NA rin kami kay Piolo Pascual dahil ayaw siyang tantanan ng mga intriga na patuloy na pinupukol sa kanya. Balita na ngayon daw ay may sex video na kumakalat ang aktor kasama ang dating kasama sa Hunks na si Carlos Agassi.

Para sa amin, walang puso ang sinumang nagpapakalat nito na gusto lang ay sirain ang magandang disposiyon at pananaw ni Piolo sa buhay at sa kanyang karera.

Hindi man kumikibo at tahimik na lang na tinatanggap ang kung anumang negatibong paninira sa kanya ng ibang tao, alam namin na nasasaktan at dinaramdam ng aktor ang lahat, dahil naaapektuhan nito ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay.

Naiintindihan namin kung bakit hangga’t maaari ay ayaw payagan ni Piolo ang anak na si Iñigo na pumasok sa showbizness. Kahit nakikitaan niya ng talento at determinsayon, nandu’n ang pagtutol niya. Bilang isang ama ay alam namin na gusto lang ng aktor na protektahan ang anak mula sa mundong ginagalawan niya.

Hinahangaan namin na sa kabila ng masasakit at mga below the belt na mga intriga sa kanya, ‘di namin nakitaan si Piolo na napikon at trumato nang ‘di tama sa sinumang may nagawang mali sa kanya.

Nang minsan naming tanungin ang aktor sa dating pag-uusap namin kung saan ba siya kumukuha ng lakas ng loob, tapang at kakayahang magpatawad, ang malalim na pananampalataya sa Diyos ang sinagot sa amin ni Piolo, kung saan mas nakilala at lumalim ang relasyon niya sa Diyos nu’ng panahong nasa rurok siya ng tagumpay at sunud-sunod ang mga awards na natatanggap niya.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

loading...

One thought on “Magpinsang Sheryl Cruz at Sunshine Cruz, tinapos na ang samaan ng loob

  1. Malamang c ALFIE DEMONYO LORENZO ang me pkana nyan walang iba…xa nga itong isang baklang mtandang hukluban pero kung mkpintas s kapwa nya at laging sinisiraan as if napakabuting tao. BANAL NA ASO, SANTONG KABAYO nmn, a HOLIER THAN THOU ang drama s buhay beki nya.

Leave a Reply

Your email address will not be published.