Magpinsan, sinaksak dahil sa love triangle

ISANG LALAKI ANG pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad matapos nitong pagsasaksakin ang kasintahan ng kanyang nililiyag at ang pinsan nito nang magkrus ang kanilang mga landas sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na si Guilllermo Ambay alyas Nonoy, nasa hustong gulang at residente ng Block 48, Lot 22, E2J, Dagat-dagatan, Brgy. Longos ng nasabing lungsod.

Nasa ligtas namang kalagayan ang mga biktima na sina Harley Antiampo, 26 ng Block 48, Brgy. Longos at pinsan nitong si Gary Samosino, 32, naninirahan naman sa Ilang-Ilang St. , Brgy. Karuhatan, Valenzuela City na kapwa nagtamo ng saksak sa katawan na kapwa isinugod sa Pagamutan ng Lungsod Malabon (PLM).

Sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong 10:30 ng gabi sa kahabaan ng Block 48, Brgy. Longos.

Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang naglalakad ang magpinsan sa naturang lugar nang makasalubong ng lasing na suspek na agad na kinompronta ang biktimang si Antiampo.

Kinukuwestiyon umano ng suspek ang pagkakaroon ni Antiampo ng relasyon sa isang nag-ngangalang Cecille na nililigawan naman ng una dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.

Habang nasa kalagitnaan ng pagtatalo nang bigla na lamang bunutin ng suspek ang dalang patalim at inundayan ng saksak si Antiampo habang sa pagkakataong ito ay tinangka namang tulungan ni Samosino ang kanyang pinsan ngunit maging ito ay inundayan din ng saksak ni Ambay.

Matapos ito, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi natukoy na direksiyon dala ang ginamit na patalim habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang magpinsan kung saan nilapatan ang mga ito ng lunas.   (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.