Magpinsan, Pinatay sa Sakal

PINATAY SA sakal ang isang magpinsang lalaki, isinilid sa magkahiwalay na sako at pagkatapos ay itinapon sa kanal sa Malabon City, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Kinilala ng Malabon Police Station ang magpinsang biktima na sina Reynaldo Castro, 21; at Arnel Castro, 18, parehong naninirahan sa Market 3, Navotas City.

Ang dalawang biktima ay pinaniniwalaang pinahirapan muna bago pinatay sa sakal dahil sa nakitang  mga pasa sa katawan at marka ng lubid sa kanilang leeg at pagluwa ng kanilang mga mata.

Sa isinagawang im-bestigasyon ng nasabing himpilan ng pulisya, ang dalawang biktima ay natagpuan nina Imelda Cruz, Conchita Alejo at Maria Teresa Sanchez, mga streetsweeper at residente ng Sanciangco St., Barangay Tonsuya, Malabon City, dakong alas-7:00 ng umaga.

Nabatid na ang mga biktima ay nakita ng mga magwawalis ng kalsada na pawang nakasilid sa magkahiwalay na sako ng bigas na halos naaagnas at nakalutang sa kanal malapit sa Tullahan River.

Kaagad na ini-report ng mga nabanggit ang kanilang nadiskubre sa nasabing himpilan ng pulisya na agad na namang nirespondehan ng mga pulis.

Napag-alaman pa na ang mga biktima ay may ilang araw nang patay dahil sa mabaho at masangsang na amoy.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ang Malabon Police ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang may kagagawan at malaman ang tunay na dahilan sa likod ng krimen.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.