Shooting Range: Magnanakaw ng manok!

Si SPO1 Omar Enumes ng Station 6 ng QCPD ay isang uri ng pulis patola na maituturing na sertipikado, walang kaduda-duda, siyento porsiyento at siguradong-siguradong saksakan ng barumbado.

Makatatlong beses nang isinumbong si Enumes sa WANTED SA RADYO. Sa unang sumbong, inireklamo si Enumes dahil sa pagsalakay niya sa bahay ng tatlong magkakapatid na dalaga at ni-ransack ang mga laman nito. ‘Di pa nakuntento, inabangan niya sa sakayan at dinukot ang isa sa mga dalaga nang malaman niyang magsusumbong ang dalawang kapatid nito sa WSR.

Ang pangalawang sumbong na natanggap ng WSR laban kay Enumes ay mula sa isang taxi driver. Isinumbong si Enumes ng nasabing taxi driver matapos niyang pagbabarilin ang salamin ng minamaneho nitong taxi.

At kamakailan lang, noong April 22, si Enumes ay muling inireklamo sa WSR dahil naman sa pagnanakaw ng mga manok.   Ayon sa mga katiwala ng chicken farm sa Brgy. Kugon, Fairview na sina Richard Baniqued at Roberto Ancor, bandang 11:45 ng umaga noong April 21, dumating si Enumes sa kanilang farm at may kasamang dalawang armadong kalalakihan.

Ang isang kasama ni Enumes ay may bitbit na baby armalite samantalang ang isa naman ay may dalang calibre .45. Ang dalawa ay pawang mga civilian assets ni Enumes. Si Enumes ay may bitbit ding calibre .45. May hinahanap daw na tao ang grupo ni Enumes. Nang hindi nila makita ang kanilang hinahanap na tao, tinangay ng grupo ang siyam na sasabunging manok at sinabing dadalhin ang mga ito sa presinto para daw sa isang “tactical investigation”.

Ngunit pagdating ng presinto, pinagparte-partehan ni Enumes at ng kanyang mga kasamahan ang mga manok na nagkakahalaga ng P99,000.00.

Kaya hanggang ngayon ay patuloy pa ring nakapaghahasik ng lagim si Enumes sa Quezon City ay sapagkat sa una at pangalawang sumbong, nakumbinsi ni Enumes ang kanyang mga biktima na iurong ang reklamo laban sa kanya.

Ngunit sa pangatlong pagkakataong ito, hindi na pahihintulutan ng WSR na muling mamamayagpag ang isang kawatan ng manok tulad ni Enumes sa QC. Hiniling ng SHOOTING RANGE sa QCPD Chief na si Gen. Elmo San Diego na i-transfer si Enumes sa malayong lugar, gaya ng Mindanao, kahit pa makipag-areglo sa kanya ang mga bago niyang complainant. Mabilis namang sumang-ayon si Gen. San Diego dahil naniniwala siya sa tinatawag na 3-strike policy.

Pero kung tutuusin, hindi lang tatlong beses nagkalat si Enumes sa QC dahil sa tuwing ini-ere namin ang sumbong laban sa kanya, binabaha ang linya ng aming mga telepono at text hotlines mula sa mga listeners at sinasabing notorious daw talaga si Enumes sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0917-7-WANTED. Ang WSR ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, 2-4 pm sa 558 khz DZXL. Ang WSR Action Center ay matatagpuan sa 4th Floor Guadalupe Commercial Complex, Edsa, Gudalupe, Makati City.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.