Maglola, Pisak sa Bus

KAHABAG-HABAG ANG sinapit ng maglola matapos masagasaan ng sinasakyan din nilang pampasaherong bus sa Barangay San Vicente, Pamplona, Camarines Sur kamakailan.

Kinilala ang mga biktima na sina Sherly Dela Cruz, 55; at ang apo nitong si Joyce Avila, 9, ng Cataingan, Masbate.

Sumabog umano ang unahang gulong ng Ro-Ro bus na minamaneho ni Jonrey Aracqiel na nagresulta upang matuklap ang sahig ng bus na gawa lamang sa plywood na nagkataon naman na naroroon ang upuan ng maglola.

Bunsod nito, nahulog ang mga biktima sa kalsada hanggang sa pumailalim sa sinasakyang bus at nasagasaan ng hulihang gulong ng bus.

Dead on the spot ang dalawa na nagtamo ng seryosong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan at ulo.

Boluntaryo namang sumuko sa mga awtoridad si Aracquiel na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting in Multiple Homicide.

Sa ngayon, palaisipan pa rin sa mga kinauukulan kung bakit plywood lamang ang sahig ng nasabing sasakyan.

Samantala, maliban sa dalawa ay wala na ring nasugatan pa sa insidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.