Magkumpare, Nagsaksakan sa 50/50 ng Yosi

SUGATAN ANG isang 49-anyos na lalaki nang saksakin ito ng kanyang kumapare matapos ang isang mainitang pagtatalo hinggil umano sa isang piraso ng sigarilyo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kasalukuyang nakaratay sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng isang malalim na tama ng saksak sa kaliwang balikat ay si Petronilo Lazaro, binata, walang hanapbuhay, ng # 2821036 A. Mabini St., ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan namang nakakulong sa detention cell ng Caloocan PNP ang suspek na si Armando Adao, 58, binata, walang hanapbuhay at kalugar ng biktima.

Base sa ulat ni PO2 Rodney S. Dela Roma, may hawak ng kaso, bandang alas-10:00 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng A. Mabini St. kanto ng Valentin St., Brgy. 33.

Nabatid na habang nagkukuwentuhan ang magkumpare, tumindg si Lazaro at bumili ng isang pirasong sigarilyo at habang hinihithit nito ang sigarilyo ay nakiusap umano ang suspek na 50/50 sila sa nasabing pampausok.

Naubos ang hinihithit na sigarilyo ng biktima ay hindi man lamang nakahithit ng sigarilyo ang suspek kaya nakapagsalita umano ang ang huli na hindi naman nagustuhan ng una, kaya ang kanilang pinagkukuwentuhan ay nauwi sa isang mainitang pagtatalo.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo, biglang binunot umano ng suspek ang kanyang patalim at saka inundayan ng isang saksak ang biktima na tinamaan sa kaliwang balikat.

Kaagad namang naaresto ng mga nagrespondeng pulis at barangay tanod si Adao na nakadetine na ngayon at nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.