Magkapatid na kasambahay, minamaltrato na ng amo, hindi pa pinasusuweldo

ISANG NEGOSYANTENG INTSIK ang posibleng makulong makaraang magreklamo sa mga awtoridad ang kaanak ng isang magkapatid na kasambahay ng una, dahil sa ginagawang pagmamaltrato, pagpapakain ng panis na pagkain at hindi pagbibigay ng buwanang suweldo sa Caloocan City.

Sinabi ni Charlito Tabag, 23, naninirahan sa No. 266 Ilang-Ilang Street, Baragay Maysilo, Malabon City, patuloy na dumaranas ng hirap sa poder ni Monica Chua, 60, ng No. 177 9th Avenue, Caloocan City ang kanyang mga pinsan na sina Bebeng Tilanduca, 20, at kapatid nitong si Jelyn, 17.

Si Bebeng ay tatlong taon nang kasambahay ng pamilya Chua, habang si Jelyn naman ay anim na buwan na.

Hindi pinakakain nang wasto, minamaltrato at hindi umano pinasasahod ang magkapatid ng kanilang amo.

Nadiskubre ang ginagawa ni Chua sa magkapatid nang maoperahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Jelyn noong Marso 29, 2001 sa appendix.

Isang nagngangalang Estrella Gromina, 53, bantay sa katabing pasyente ni Jelyn, ang napagsabihan nito ng kanilang karanasan kay Chua.

Kaagad na ipinagbigay alam ni Gromina kay Tabag ang dinaranas ng magkapatid.

Personal ding nasaksihan ni Gromina ang kasupladahan ni Mrs. Chua na pilit nang ipinalalabas sa hospital si Jelyn.

Kinausap din umano ni Mrs. Chua ang doktor na umopera sa dalagita para bayaran ang bill sa hospital upang maiuwi na ang pasyente, pero hindi pumayag ang manggagamot.

Sinabi ni Jelyn na pumutok ang kanyang appendix dahil kahit katatapos lang kumain ay pinagtatrabaho na sila ni Mrs. Chua.

Iniaangal din ng mga kaanak ng magkapatid na Tilanduca ang MRV local agency na matatagpuan sa 5th Avenue, Caloocan City na siyang nag-recruit para maging katulong ni Chua.

Menor-de-edad pa umano ang mga biktima nang kunin ng nasabing agency sa Valencia City, Bukidnon.      (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.