Magkakapatid Kritikal sa Sumabog na Kemikal, Kabilang ang 1 Pa

KRITIKAL ANG MAGKAKAPATID kabilang ang isa pa matapos aksidenteng tamaan ang mga ito ng sumabog na kemikal na sinigaan ng isang mister kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City .

Naka-confine ngayon sa Fatima Medical Center, Valenzuela sanhi ng mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang magkakapatid na Cristine Joy Lugtu, 7; Criselda, 5; Crisanto, 9, pawang residente ng No. 108 Bahay Pari, Gen T. de Leon, Valenzuela; at Wilfred Pelayo, 6 ng No. 81 Bahay Pari ng nasabing lungsod.

Nakapiit naman sa detention cell ng Valenzuela City police ang suspek na si Jose Allan Tan Policarpio, 43, may-asawa, vendor, ng No. 7 Bahay Pari, Gen. T. de Leon ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon nang sigaan ng suspek ang hawak nitong kemikal na nakabalot sa tanso sa labas ng gate ng Mendoza ’s Compound ng naturang lugar.

Ayon sa suspek, nakita lamang nito sa kalsada ang naturang kemikal at naisipan niyang sigaan at bago ang insidente ay pinaalis nito sa lugar ang mga biktima.

Ilang minuto ang makalipas ay nagbalikan ang mga biktima sa sinisigaan ng suspek hanggang sa may sumabog at tumama sa mga bata.

Dito, unang isinugod sa Santicissimo General Hospital sa Valenzuela ang mga biktima upang lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat, ‘di nagtagal ay agad ding inilipat ang mga ito sa Fatima Medical Center.

Agad namang itinawag sa pulisya ang nasabing insidente at itinuro ang suspek na siyang responsable dahilan upang ito’y dakpin.

Inaalam na ng pulisya kung anong klase ng kemikal ang sumabog.

(MARY H. SAPICO)

 

 

 


 

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.