Magkaibagan lang daw: Lovi Poe, sobrang sweet kay Ronald Singson!

KAHIT ILANG BESES nang sinasabi ni Lovi Poe na magkaibigan lang sila ni Ronald Singson, parang mahirap nang paniwalaan dahil marami na ang nakasaksi sa sweetness nilang dalawa.

Sa birthday party ni Tim Yap kamakailan lang ay magkasama rin silang dumating at marami ang nakasaksing sweet silang dalawa.

Dinagdagan pa ng kuwento ng isang kaibigan na nasa Vigan nu’ng nakaraang linggo dahil nandu’n din daw si Lovi kasama si Ronald para dumalo sa isang malaking event doon ng mga Ilokano.

Isa raw sa special guest si Lovi na dala siyempre ni Ronald at hindi lang daw parang magkaibigan ang ipinakikita nilang sweetness doon kundi higit pa ru’n. Kaya tahimik na lang si Lovi sa ngayon dahil hindi naman siya siguro puwedeng mag-deny kung ano talaga ang namamagitan sa kanila ni Ronald.

Ilang beses kong nakakausap ang bestfriend ni Ronald na si Jomari Yllana at sinabi naman nitong gusto nang magsalita ni Ronald para malinaw na rin sa lahat kung anong meron sa kanila ni Lovi.

Dapat naman talagang magsalita na siya para na rin sa kapakanan ni Lovi at hindi masira ang tingin sa kanya ng mga tao.

Hintayin na lang natin isa sa mga araw na ito na umamin na ang dalawa.

Nu’ng nakaraang birthday party ni Tim Yap ay dumating din pala roon si Sen. Bong Revilla pero hindi sila nagkita nina Lovi.

Ayaw namang magkomento ni Sen. Bong tungkol diyan dahil isyu naman daw ‘yun ng anak niyang si Jolo Revilla.

Obvious namang nasaktan nang husto si Jolo sa nangyari sa kanila ni Lovi pero ayaw nang makialam doon ni Sen. Bong. Pinayuhan na lang daw niya si Jolo na mas mabuting mag-concentrate muna ito sa trabaho niya dahil maganda ang ang career nito sa ABS CBN 2.

Nang huli naming nakausap si Jolo ay sinasabi naman nitong okay na siya at sinusunod daw nito ang payo ng Papa niyang mag-focus na lang sa trabaho dahil nawiwindang na siya kapag in love.

Hindi na nga raw siya nakikipag-date sa ngayon dahil mas gusto na lang daw niyang makasama ang anak niyang si Gab kapag wala siyang trabaho.

NGAYONG ARAW NA iki-cremate ang ama ni Paolo Contis na si Renato Contis. Sumakabilang-buhay na ang ama ni Paolo sa sakit na cancer of lymphnode na ilang buwan ding nakaratay sa hospital.

Aminado si Paolo na hindi pa siya handa sa pagpanaw ng kanyang ama kaya sobra niya itong dinamdam.

Nu’ng malubha na ang kanyang ama, hinihiling lang naman daw sana nito na umabot sa panganganak ni Lian Paz pero hindi na nga.

Mga end of February o first week of March daw ang due ni Lian kaya ipinagdarasal daw nito na sana sa March 4 na manganak si Lian para ka-birthday daw ito ng namayapa niyang ama. Pero bahala na raw ang Diyos kung kailan manganganak si Lian basta safe lang daw ito.

Sobrang malapit si Paolo sa kanyang ama, kaya parang mahirap pa raw sa kanyang tanggapin na wala na ito. Tingin daw niya, hinintay lang ng kanyang ama na magkaayos silang lahat bago ito pumanaw.

Noon kasi ay hindi pa tanggap ng Mama niya si Lian. Sinabi raw ng Papa na niya kapag makita nitong okay na ang Mama niya at si Lian, puwede na raw siyang pumanaw.

Ito ang isa sa ikinalulungkot ni Paolo dahil kung kailan okay na silang lahat, saka naman ito pumanaw. Sana masaksihan pa raw muna ng Papa niya na masaya silang nagsama-sama bago ito namatay. Lalo na kung dumating ang kanilang anak na si Xonia.

Pangako raw ni Paolo at ng Kuya niya na kung sino sa kanila ang unang magkaroon ng anak na lalaki, ipapangalan daw nila ito sa kanilang ama.

By Gorgy’s Park

loading...

2 thoughts on “Magkaibagan lang daw: Lovi Poe, sobrang sweet kay Ronald Singson!

Leave a Reply

Your email address will not be published.