Magbobote, Todas sa Parak

PATAY AGAD sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang isang magbobote makaraang maunahang putukan ng isang pulis matapos na tangkain ng biktima na barilin ang huli habang ang una ay nagwawala sa kanilang lugar sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PO2 Alejandro Billedo, imbestigador ng SIDMB ng Caloocan City Police at may hawak ng kaso ang biktima na si Nicasio Rosello, 42, at residente ng Block 2-G, Lot 17, Phase 3, Brgy.14 ng nabanggit na lungsod.

Samantala, si PO3 Fernante Zapanta, 32, may-asawa, nakatalaga sa PCP-5 ng Malabon City Police Station ay kusang sinuko ang sarili sa mga awtoridad.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang naturang insidente sa kahabaan ng Paros Alley, Brgy. 14.

Nabatid, naglalakad si Rosello sa kanilang lugar nang mapadaan ito sa mga nag-iinumang mga kapitbahay, nang makita ito ng grupo ay kaagad na kinantiyawan dahil sa pagkatalo umano sa karera ng kalapati na hindi nagustuhan ng biktima.

Dahil dito, mabilis na umuwi si Rosello sa kanilang bahay at makalipas ang may ilang sandali ay binalikan nito ang mga nag-iinuman na armado ng kalibre .38 baril.

Kaagad na pinutukan ng suspek ang mga nang-asar sa kanya subalit wala namang timaan at isa sa mga nagtatagayan ay nagawang makahingi ng tulong kay PO3 Zapanta.

Agad namang nagresponde si PO3 Zapanta at nang magkaharap ang dalawa ay tinangka ng pulis na payapain ang nagwawalang si Rosello habang hawak-hawak ng namatay ang nasabing baril.

Sa kabila ng pakiusap ng pulis na sumuko na ang una ay itinutok ni Rosello ang kanyang hawak na baril kay PO3 Zapanta.

Kaya napilitang bunutin nito ang kanyang service firearm at putukan ng apat na beses ang biktima na pawang tumama sa dibdib ni Rosello na nagresulta sa agarang kamatayan.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.