Mag-ingat sa mga Koreano ng NJ World Transport

NAGLIPANA NGAYON NA parang mga kabute ang mga Koreano sa ating bansa. Ang ilan sa kanila ay nandito dahil nais nilang mag-invest at mangalakal samantalang marami rin sa kanila ang sadyang pumunta rito para makapanloko.

Sina Chong Byong Oh, Cho Tae Kyu at isang nagngangalang Mr. Park ay mga halimbawa ng Koreano na ang sadya sa Pilipinas ay ang makapandugas. Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, inihahanda na ng National Bureau of Investigation, sa pamamagitan ni Atty. Primitivo Najera Jr., ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlo.

Ang mga Koreanong ito ang mga nagmamay-ari umano ng NJ World Transport. Pero sa mga business documents ng nasabing negosyo tulad ng sa Security Exchange Commission (SEC), ang nakatalang mga may-ari ng NJ World ay mga Pilipino sa pangunguna ng isang Fanny Yrure, ang tumatayong presidente ng NJ World. At sa ginawang panayam ng WANTED SA RADYO (WSR) kay Yrure, inamin ni Yrure na ang tatlong Koreano ang kanyang mga amo.

Sinabi rin ni Yrure sa WSR na malaki ang kanyang paniniwala na gumagawa ng katiwalian ang kanyang mga amo at nangako siyang tatayo bilang testigo laban sa tatlo sakali mang hihilingin ng korte. Makailang beses na raw niyang tinangkang kausapin sila upang kumuha ng paglilinaw tungkol sa mga agam-agam ng mga taxi drivers na bumibili ng unit ng taxi mula sa NJ World sa pamamagitan ng Hulog Boundary Program, ngunit palagi raw siyang iniiwasan nila.

Kapareho rin sa nararanasan ni Yrure ang naranasan ng WSR. Makailang beses tinangkang kausapin ng WSR sina Chong, Cho at Park para kunan sila ng pahayag tungkol sa reklamo ng kanilang mga taxi drivers ngunit sa tuwina, ikinakatwiran nila na ang kanilang abogado na si Atty. Renato Cervantes ang dapat daw na kausapin. Ngunit nang makausap ng WSR si Cervantes, sinabi niyang hindi siya ang abogado ng NJ World at tinatangka pa lamang ng mga Koreano na kunin ang kanyang serbisyo.

Sa ilalim ng Hulog Boundary Program, ang boundary na P1,400 kada araw ng mga taxi driver na sumali sa nasabing programa ay inireremit sa NJ World. At ito ay gagawin ng mga kasaling taxi drivers pitong araw sa isang linggo, sa loob ng 34 months. Pagkatapos ng 34 months mapapasakanila na raw ang taxi na minamaneho nila, ayon sa pangako ng mga Koreano. Lumilitaw na ang magiging kabuuang halaga ng isang unit ng taxi sa ganitong payment scheme ay papatak ng mahigit sa P1.5 million, kasama na ang P10,000 na down payment.

Kahit na hindi sila nakapagbiyahe dahil sa halimbawa ay color coding, kinailangan pa rin nilang mag-remit ng P1,400. At kapag nagmintis, sila ay mamumultahan at mababalewala ang kanilang mga naibayad na.

Nang mabasa ng NBI ang kontrata sa pagitan ng mga taxi driver na bumibili ng unit at ni Chong, nakitaan agad ito ng malaking anomalya dahil una, walang karapatang pumirma si Chong sapagkat wala naman ang pangalan niya sa business papers ng NJ World. Ang higit sa lahat ay hindi puwedeng ibenta ni Chong ang mga taxi at kumuha ng bayad para dito sapagkat ang nasabing mga unit ay naka-loan pa sa bangko at nakapangalan sa NJ World at hindi sa kanya. Nahaharap din ang mga Koreano sa paglabag ng ating Anti-Dummy Law.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.