Mag-Ina, Todas sa mga Kawatan

PAREHONG WALANG buhay nang matagpuan ang bangkay ng isang mag-ina na pinaniniwalaang pinagnakawan muna bago pinaslang ng hindi malamang dami ng suspek sa loob ng kanilang bahay sa Camarin, Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang mag-inang biktima na sina Faith Jaina, 50 at ang anak nitong si Tesa, 15, kapwa naninirahan sa Block 25, Lot 22, Brgy. 173, Camarin ng nabanggit na lungsod.

Nagsasagawa naman sa kasalukuyan ang mga operatiba ng Caloocan PNP ng manhunt operation laban sa mga suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang nasabing insidente.

Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-6 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang bahay na maraming tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon sa pahayag ng isa sa mga anak ng biktima na si Timothy Jaina, nasa hustong gulang, galing umano siya sa trabaho at pagdating niya sa kanilang lugar ay nakabukas ang kanilang gate pati na ang pintuan ng bahay.

Kaagad na pumasok si Timothy sa loob ng bahay at agad na nakita nito ang bangkay ng kanyang ina at kapatid na pawang naliligo sa sariling dugo.

Agarang namang ipinagbigay-alam sa pulisya ni Timothy ang insidente na kaagad namang nagresponde at nagsagawa ng imbestigasyon.

Lumalabas sa pagsisiyasat na pagnanakaw umano ang motibo sa naturang insidente sa dahilang ang mga aparador at ilang drawer ay pawang ni-ransack ng mga salarin.

(ROMAN MAGPOC) 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.