Mag-Dyowa, Niratrat sa Kalye

ISANG MAG-LIVE-IN ang pinagbabaril at napatay ng hindi nakikilalang suspek habang ang mga biktima ay naglalakad pauwi na sa kanilang bahay sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Jheval Romanca, 25, binata, live-in partner; at ang kinakasama nitong si Jonalyn Cinco, 23, na kapwa naninirahan sa Block 32 Ext., Lot 44, Phase 3-F1, Brgy. Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod.

Sina Romanca at Cinco ay pawang nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan na siyang ikinamatay ng mga ito.

Ayon sa ulat ng Caloocan PNP, ang insidente ay naganap sa Block 3, Lot 11, Salmon St., Brgy. 8, Dagat-Dagatan, dakong alas 3:30 ng madaling-araw kahapon.

Nabatid na ang mag-live-in ay kasalukuyang naglalakad sa nasabing lugar para umuwi na sa kanilang bahay nang biglang dumating ang hindi nakikilalang suspek at kaagad na pinagbabaril si Romanca. Tinangkang awatin ni Cinco ang suspek subalit pati siya ay pinagbabaril din ng salarin.

Ang mag-live in ay parehong duguang humandusay sa lupa kung saan si Romanca ay agad na namatay habang si Cinco naman ay mabilis na dinala ng ilang residente sa nasabing lugar sa Pagamutang Bayan ng Malabon at hindi na uma-bot nang buhay.

Ayon sa ilang kaanak ni Romanca, ito ay limang beses na nakulong sa kasong robbery holdap at noong Agosto ng nakalipas na taon ay huling nakalaya ang biktima.

May hinala ang pulisya na ang may kagagawan ng pagpatay kay Romanca ay ang kanyang mga kasamahan at posibleng nagkaroon ng onsehan sa partihan ng kanilang nakulimbat.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.