Mag-biyenan, huli sa pekeng pera

HAGONOY, BULACAN – DINUMOG ng taong bayan sa loob ng isang pampublikong pamilihan ang isang mag-biyenan, matapos mamili gamit ang mga pekeng isang libong piso sa Brgy. San Pedro sa nabanggit na bayan.

Sa ulat na tinanggap ni Acting PNP Provincial Director P/SSupt. Fernando H.Mendez Jr. kinilala ang mga nadakip na supek na sina Dorothy Cruz, 39; at biyenan nitong si Inday Santos, 61, residente ng Brgy. Pungo, Calumpit, Bulacan. Samantala, ang mga biktima naman ay nakilalang sina Gina Santos, 42, vendor ng gulay; Evangeline Lopez, 52, fish vendor; at Alfredo Bondoc, 37, na may grocery store sa naturang public market.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng mga pulis, dakong alas-6 ng hapon nang maaresto ang dalawa, matapos madiskubre ng isa pang vendor na peke ang dalang pera ng mga ito na tig-iisang libong piso.

Nabatid na ikalawang beses na umanong namili ang mag-biyenan, kung saan inabangan na ng mga vendor ang pagbabalik ng mga ito, kaya pinagkaguluhan ang dalawa.

Nadiskubre lamang ang pekeng pera nang ilagay ito sa ilalim ng infrared na peke ang mga perang dala ng dalawa na aabot umano sa pitong libong piso.

Samantala detinido ngayon ang dalawang suspek sa Hagonoy Municipal Jail habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila. (TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.