Mag-asawang Tiamzon, ‘di nagpasok ng plea sa kaso

BINASAHAN NA ng sakdal ang mag-asawang lider ng New People’s Army (NPA) na sina Benito at Wilma Tiamzon, kahapon.

Magkasunod na duma-ting nang naka-posas ang mag-asawa sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 81 sa sala ni Judge Madonna Echeverri hinggil sa kinahaharap nilang kasong kidnapping with serious illegal detention.

Pagpasok sa korte, sumigaw pa si Wilma na hindi sila mga kriminal kundi tunay na rebolusyonaryo.

Nag-ugat ang nasabing kaso ng mga Tiamzon sa umano’y pagdukot ng mga ito noong Hunyo 1988 sa ilang sundalo sa Candelaria at Mauban, Quezon, na iginapos at idinetine pa sa loob ng 75 araw.

Tinutulan naman ng mga abogado ng mag-asawa na sina Rachel Pastores at Edre Olalia ang pagbasa ng sakdal sa depensang kamakailan lamang nila nalaman ang nabanggit na kaso at kinakailangan muna itong pag-aralan ng mabuti.

Pero itinuloy pa rin ng korte ang pagbasa ng sakdal ngunit tumanggi ang mag-asawang Tiamzon na maghain ng plea sa kaso. Dahil dito, korte na ang naghain ng not guilty plea para sa dalawa.

Itinakda naman ang pre-trial sa kaso sa Mayo 19 habang ang serye ng trial proper ay sa Mayo 20, 26 at 27.

Pinagbigyan din ng korte ang hirit ng kampo ng mag-asawa na sa PNP Custodial Center sila manatili.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.