Mag-asawang Pulis na Kumasa sa mga Holdaper, Pinuri

PINURI NI Chief Supt. Antonio Decano, Director ng Northern Police District ang mag-asawang pulis na nasugatan matapos makipagsagupa sa tatlong hindi pa nakikilalang mga kalalakihan sa Manila.

Ayon kay Decano, magandang halimbawa sa kapulisan ang ginawa nina SPO1 Jerome Jalla at asawang si SPO1 Julie Jalla kapwa nakatalaga sa NPD.

“Kahit off-duty na at kahit saang lugar ay ipinakita ng mag-asawa na handa silang tumugon sa tawag ng tungkulin upang labanan ang mga masasamang loob,” dagdag pa ni Decano.

Magugunita na noong Disyembre 3, 2011, ala-1:45 ng hapon, sakay ng kotse ang mag-asawa sa kanto ng Pampanga St., at Natividad St., sa Sta. Cruz, Manila nang mapansin ang mga suspek sakay ng motorsiklo na kahina-hinala ang kilos.

Bumaba si Jerome at nagpapakilalang pulis subalit pinutukan ang una ng uzi at pistola na naging dahilan upang bumalik sa sasakyan ang una at makipagpalitan ng putok ang mag-asawa.

Matapos ang insidente ay tumakbong papatakas ang isa sa mga suspek habang ang dalawa ay tumakas sakay ng Honda XRM na hindi na nakuha ang plaka.

Kahit may tama sa kanang braso si Jerome ay nagawang madala ang asawa na may tama sa kaliwang braso sa Chinese General Hospital.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.