Mag-asawa, pinaslang sa harap ng anak

 

PATAY ANG ISANG 43-anyos na barangay health worker at ang asawa nitong tricycle driver matapos na pasukin at pagbabarilin ng armadong kalalakihan noong gabi ng Biyernes sa Brgy. Arwas, Bani, Pangasinan.

Kinilala ng PNP-Pangasinan ang mga biktima na sina Buenaventura Oliveros, 52; at Zenaida Oliveros, 43.

Nabatid na nanood ng palabas sa TV ang mga biktima kasama ang anak nilang itinago sa pangalang Judy nang pasukin sila ng mga suspek at pagbabarilin.

Unang pinagbabaril ng mga salarin si Zenaida na tinamaan sa ulo at sa leeg, pagkatapos ay isinunod ang mister nito.

Agad na nasawi ang mga biktima matapos ang pamamaril habang nasa state of shock naman ang anak nila na mismong harap-harapang nakita ang ginawang pamamaslang sa kanyang mga mahal sa buhay.

Dalawang oras matapos ang insidente, isa sa mga pinaghihinalaang suspek sa naturang pamamaril ang nahuli ng mga pulis. Kinilala nila ang nahuling suspek na si Larry Cabalbag. Si Cabalbag ay nahuli ng pulisya sa loob mismo ng bahay nito sa Brgy.Tiep ng naturang bayan.

Isa pang suspek sa naturang krimen ang nahuli noong umaga ng Sabado. Kinilala ang nahuli na si Rafael Aquino.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, hinihinalang ang mga pinaslang ay biktima lamang ng “mistaken identity” dahil isang babaeng nakatira sa naturang lugar na may apelyidong “Oliveros” din ang matagal nang may natatanggap umanong  death threats.

Maaaring hindi sila umano ang tunay na sadya ng mga salarin para paslangin pero sila ang napaslang dahil sa pag-aakalang sila ang mga “target” ng mga suspek.

Nabatid  na isang oras bago nangyari ang insidente, isang black motorcycle ang namataang paikut-ikot sa naturang lugar na wari’y may hinahanap at parang may minamatiyagan.

(ROLANDO S. GAMOSO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.