Mag-asawa, Inutas ng Riding-In-Tandem

AGAD BINAWIAN ng buhay habang humihingi ng tulong ang isang chief engineer na seaman, na tubong Iloilo, sanhi ng isang tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng leeg na tumagos sa kaliwang bahagi rin ng leeg ng kanyang asawa, sa Brgy. Bulihan, Malolos City.

Kinilala ni PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna ang nasawing biktima na si Charlemagne Rodriguez Y Suite, 62 anyos, isang seaman, at asawa nito na si Luzviminda Suite, 53 anyos, residente ng Purok-3, Brgy. Sta. Monica, Hagonoy Bulacan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, papauwi na ang mag-asawa dakong alas-4 ng hapon lulan ng kulay itim na Toyota Fortuner na may plakang  ZHR-719 nang bigla na lamang itong barilin ng isa sa backride ng dalawang  riding-in-tandem sa crossing ng Brgy. Bulihan ilang metro lamang ang layo mula sa isang gasoline station kung saan nakapagmaneho pa ang lalaking biktima.

Nabatid na kagagaling lamang sa isang bangko ng mag-asawa, kung saan nag-withraw ng halagang P1 milyon, na gagamitin umanong pambili ng pala-isdaan.

Bigo namang makuha ng mga suspek ang naturang malaking pera na nakalagay sa isang clutch bag.

Ayon naman sa gasoline boy na si Christian Camino, 22 anyos, nakita na lamang niya ang sugatang lalaki na humihingi ng tulong. Plano sana niyang tulungan su-balit sinaway umano siya ng kanilang supervisor na huwag makialam.

Aniya, naka-long sleeves at walang suot na bonnet o helmet ang suspek na bumaril sa mag-asawa, kung saan naisugod pa ng Bulacan Rescue ang asawa ng seaman subalit  agad din itong binawian ng buhay.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung sino at ano ang motibo ng pamamaslang sa mag-asawang biktima.

Samantala nakuha naman ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang isang slug ng bala ng baril mula sa cal. 45.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.