Mag-anak, Nalason sa Isda

NANANATILI NGAYON na naka-confine sa Western Visayas Medical Center sa Mandurriao, Iloilo City ang limang miyembro ng pamilya Confessor sa Cubay, Jaro, Iloilo City matapos malason ng kinaing isda.

Kabilang sa mga naospital ay sina Rosette Confessor, 68; Rudilyn Confessor, 34; Rosemarie Confessor Sustento, 47; Danny Confessor Jr., 9; at Frederick John Confessor, 13.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brgy. Kgwd. Federico Confessor na isa rin sa mga nalason, sinabi nito na bumili ng isda na tinawag na bansa ang kanyang anak mula sa naglalako sa kanilang lugar.

Dalawang kilo ng isda at isang kilo na lamang-loob nito ang kanilang binili at niluto bilang sinigang at kinain sa agahan.

Matapos kumain, nakaramdam sila ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagtatae hanggang sa sila ay nanghina kaya’t dinala na lamang sa ospital ang kanilang limang kaanak na malubha ang karamdaman.

Naniniwala naman ang mga biktima na ang kinain na lamang-loob ng isda ang dahilan ng kanilang pagkalason dahil ang ilang miyembro ng pamilya na kumain din ngunit hindi nakakain ng lamang-loob ay hindi naman lubhang naapektuhan ng pagkalason.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.