Mag ama nilamon ng lawa

RIZAL – KAPWA PATAY na nang matagpuan ng mga rescuers ang mag-ama matapos na lamunin ito ng lawa habang sakay ng isang bangka kamakalawa ng umaga sa bayan ng Binangonan.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang mga biktima na sina Alipio Aragoncillo, nasa hustong gulang at anak na si Melody, 8-anyos, kapwa residente ng  Brgy. Sapan, Talim Island ng nasabing bayan.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng umaga sa lawa ng Laguna, Brgy. Sapan, Talim Island, Binangonan, Rizal.

Nabatid kay Abelino Disclar na kasalukuyan niyang inihahanda ang mga kahoy sa kanyang de-motor na bangka para dalhin sa lalawigan ng Laguna nang lapitan siya ng mag-ama at nakiusap na makiangkas sa kanya.

Dahil sa maliit ang kanyang bangka ay tinanggihan nito ang pakiusap ng mag-ama subalit kalaunan ay napapayag din siya dahil sa awa sa mga ito.

Nasa kalagitnaan na sila ng lawa nang biglang umihip ang napakalakas na hangin na sinabayan pa ng malalakas na alon dahilan para tumaob ang bangka at tuluyang lumubog.

Ayon pa kay Discalar, nagawa niyang makalangoy para sa sariling kaligtasan subalit ang mag-ama ay minalas na masawi.

Pinag-aaralan na nang pulisya kung kakasuhan si Discalar sa pagkamatay ng mag-ama. (GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.