Madrasta, Inutas ng Anak-Anakan

PATAY ANG isang 35-anyos na babae, makaraang patayin sa saksak ng kanyang anak-anakan na umano’y drug addict sa Quezon City kamakailan.

Kinilala ang  biktima na si Arlene Serrano, na nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Sinabi ni SPO2 Cristituto Zaldarriaga, may-hawak ng kaso na pinaghahanap na nila ang salarin na anak-anakan nito na si Mark June delos Santos, na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Naganap ang krimen sa bahay ng biktima na matatagpuan sa Sampaguita St., Brgy. Central sa lungsod, ganap na alas-5:30 ng hapon.

Bago ang insidente, nagkukuwentuhan umano ang biktima at sina Richard Cadabes, Jocelyn Robas at Alvin Muhi sa loob ng naturang bahay habang natutulog naman ang asawa ng una sa silid nang biglang dumating ang salarin.

Bigla umanong inatake ng saksak ng anak-anakan ang kanyang madrasta sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa takot naman ng tatlo na sila ang isunod  na saksakin, mabilis silang tumakbo papalabas at nagtago sa bahay ng isang kapit-bahay.

Nang makita ng suspek na naliligo na sa dugo ang madrasta ay agad itong tumakas.

Ayon kay Zaldarriaga, wala pa siyang nakikitang motibo ng salarin sa pamamaslang sa biktima, maliban sa napag-alaman mula sa kapit-bahay ng pamilya na ang suspek ay isang drug addict at pinapalagay na sabog sa droga nang isagawa ang pananaksak sa madrasta.

Sa ngayon, patuloy ang follow-up investigation ng mga kinauukulan sa naturang krimen.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.