Shooting Range: Mabuhay ang Pilipinas!

EKSAKTONG 3:39 NG madaling-araw noong Lunes nang lumapag ang Philippine Airlines flight sa NAIA 3 na sinasakyan kong galing sa San Francisco pagkatapos ng halos tatlong linggong pagbabakasyon doon. Kalalapag pa lang namin at hindi pa lubusang humihinto sa runway ang eroplano nang sumabay ako sa ilang mga pasahero na nagsitayuan dahil sabik na sabik ng makababa.

Pinagsabihan kami ng piloto sa pamamagitan ng public address system na huwag magmadali at magsiupo muna hanggang sa tuluyang nakahinto at nakapuwesto na sa tarmac ang eroplano. Tulad ng halos lahat ng pasahero, na pawang mga balikbayan, labis ang aking pagkagalak na makabalik muli ng bansa.

Wala pa ring katulad ang Pilipinas para sa akin at sa libu-libong mga kababayan nating dumarating sa ating bansa araw-araw mula sa pagbabakasyon o pagtatrabaho sa ibang bansa.

Kahit pa sabihin nating maraming mga problema at pagsubok na hinaharap ang ating bansa, hindi pa rin ito hadlang para maging sabik ang ating mga kababayan na matagal nang nanirahan at nagtrabaho sa ibang bansa na mag-balikbayan.

Apat na kababayan natin sa San Francisco ang aking nakakuwentuhan. Ang dalawa ay pawang mga taxi driver samantalang ang isa naman ay waiter at ang isa pa ay hotel worker. Lahat sila ay nag-iipon at nangangarap na balang araw ay bumalik ng bansa para mag-negosyo at permanente nang manirahan dito.

Marami rin akong mga barkada sa iba’t ibang parte ng California na aking nakausap ang nagsabing pinaplano na nila ang pagpa-file ng early retirement sa kanilang trabaho roon at rito na mamuhay bilang retirado.

Mahirap ipaliwanag ang labis na kasiyahan na nararamdam ng isang Pilipinong bumabalik ng kanyang bansa pagkatapos manirahan ng ibang bayan nang maraming taon. Naramdaman ko rin ito dahil matagal din akong nagtrabaho at nanirahan sa California noon.

Ilan sa mga kababayan natin sa San Francisco ang nakausap ko na nagsabing gusto na nilang mag-balikbayan dahil sabik na silang maranasan muli ang relax na pamumuhay rito. Reklamo nila, sa Amerika, madaling-araw silang magigising at pagkatapos ay magluluto ng kanilang kakainin at babaunin. Pag-uwi ng bahay sa gabi, maglilinis at magluluto muli. Pagkatapos maghapunan ay manonood ng konting palabas sa TV at matutulog na dahil kinakailangang maagang magising. Hindi puwedeng ma-late dahil istrikto ang kanilang trabaho sapagkat per ora ang bayad sa kanila. Pagsapit ng Sabado at Linggo sila ay maglilinis ng kanilang kotse, maglalaba at kung ano pang mga gawain sa bahay. Biyernes ng gabi lamang sila nakapaggu-good time.

Samantalang dito raw sa Pilipinas, puwede kang magbayad ng serbisyo ng mga kasambahay at driver para siyang gagawa ng mga gawaing-bahay at ang paglilinis na rin ng iyong kotse at ipagmamaneho ka na rin. Sabik na rin daw sila sa mga lutong Pilipino at sa mga white sand beaches natin.

Masarap lamang magbakasyon ng panandalian sa Amerika ngunit walang kasing sarap ang manirahan dito sa ating Inang Bayan. Mabuhay ang Pilipinas!

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.