Maangas na Litratista, Dakip sa Boga

KALABOSO ANG isang lalaking litratista, makaraang ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa Purok ll, Brgy. Bibiclat, Aliaga,Nueva Ecija.

Sa ulat na ipinadala sa Nueva Ecija Provincial Police Office, kinilala ang dinakip na suspek na si Feliciano Ramos Y Viriolo, 43 anyos, photographer, tubong-Aliaga, residente ng Pingkian-2, Brgy. Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-9:30 ng gabi nang makarinig ng putok ng baril ang mga nagrorondang barangay tanod sa lugar, kung saan nakita umano ang suspek habang hawak ang isang S&W na cal. 357 na walang habas na pinapuputok.

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang mga residente sa lugar sa checkpoint ng Provincial Public Safety Company at sa mga sundalo ng 7th Infantry Division at 3rd Infantry Batallon ng Philippine Army kung saan agad na inaresto ang suspek.

Nabatid na bukod sa hawak nitong baril, nakasukbit din sa kanya ang isang cal. 38 baril na kapwa walang dokumento mula sa Commission on Election.

Samantala detenido ngayon ang suspek sa Aliaga Municipal Jail habang inihahanda ang kasong paglabag sa Omnibus Election Code at paglabag sa PD 1866 o RA 8294 na Illegal Posession of Firearms.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.