Ma. Venus Raj, tuloy na sa pagsungkit ng Miss U crown!

NAKAALIS NA PATUNGONG Las Vegas, Nevada si Bb. Pilipinas-Universe Ma. Venus Raj. Baon ng dalaga ang pag-asang mananalo siya sa Miss Universe pageant na nakatakdang ganapin ngayong August.

Bago ito, walang inaksayang panahon si Venus. Talagang puspusan ang kanyang ginawang paghahanda at training pagdating sa paglakad, pagsasalita at pagsagot sa mga katanungan, at maging sa mas pagpapaganda pa ng hubog ng kanyang katawan na aniya’y ang tanging sikreto lang naman ay tamang pagkain at exercise.

Very proud nga ang dalagang Bicolana sa kanyang 22-inch na waistline. Isa raw ito sa paniniwala niya’y isa sa magiging edge niya sa iba pang naggagandahang contestants sa Miss U.

At dahil diyan, she feels more beautiful nga raw. Aniya pa, she has to feel that way habang mahigpit na pinanghahawakan ang pag-asa niyang siya ang ikatlong Pinay na makapag-uuwi ng Miss Universe crown after Gloria Diaz in 1969, and Magie Moran in 1973.

Sa kanyang pakikipag-compete sa Miss Universe, hiling ni Venus ang buong suporta at dasal ng sambayanang Pinoy.  Sana nga raw ay manalo siya.

Napaaga nga raw ang pag-alis niya patungong Las Vegas dahil sa imbitasyong maging parte siya ng media tour na magpu-promote ng pageant. Among over 80 contestants around the world, iilan daw silang mga napili.

Na-realize din ni Venus na mahirap i-assure ang kanyang panalo kasi bibigyan lang niya ng matinding pressure ang kanyang sarili. Of course, may kasabihang, you don’t go to a contest thinking that you’ll gonna lose. Pero hindi rin nga magandang i-assure mong mananalo ka.

It’s enough that you do your best and enjoy the experience of being into a competition and that’s it. Anuman ang mangyari, stay happy.

Ganyan?

BLIND ITEM: MAINGAY pa ring pinag-uusapan ngayon ang hiwalayan ng isang kilalang female celebrity at husband niyang isang sikat na personalidad. Kahit nagsalita na ang female celebrity na siya ang nakipaghiwalay sa kanyang mister at isinasara na niya ang pinto para sa anumamang posibilidad na magkabalikan pa sila, still ay hindi pa rin direktang nasasagot kung ano nga ba ang naging sanhi ng pagwawakas ng pagsasama nila bilang mag-asawa.

Pero may kuwento kaming nasagap mula sa isang taong close sa kanilang dalawa. Wala umanong third party kagaya ng hinala ng marami. Talagang sumuko na raw ang kilalang female celebrity dahil sa hindi magandang pag-uugali at trato sa kanya ng asawa.

Hindi pa raw kasi nagtatagal mula nang maikasal sila ay lumabas na raw ang totoong kulay ng pagkatao ng kilalang male personality. Masyado raw kung bungangaan nito ang asawang female celebrity.

Every now and then, kapag hindi raw maganda ang mood nito o mainit ang ulo, mura raw talaga nang mura ito na ang laging napagdidiskitahang sigaw-sigawan ay ang misis.

Sa umpisa, sinikap raw na tiisin at pagpasensiyahan ng female celebrity ang gano’ng verbal abuse na halos araw-araw ay nararanasan niya from her husband. May mga pagkakataon pa nga raw na pagod na pagod siyang uuwi ng bahay galing sa halos walang tulugang trabaho, pagdating niya, aawayin pa siya at sisigaw-sigawan pa ng asawa. Hindi lang basta sigaw kundi with matching mura pa nga raw.

Eh, ang female celebrity, laki sa isang disente at prominenteng pamilya. Na silang magkakapatid ay pinalaki ng mga magulang nila bilang mga well-bred at edukadong mga anak.

Na kumbaga, never na nakarinig ng anumang paninigaw o pagmumura sa buong buhay nila.

Kaya naloloka raw at rinding-rindi umano talaga ang female celebrity tuwing aawayin, sisigawan, at mumura-murahin ng asawa niya. Tapos may dagdag isyu pang nai-involve sa ibang babae ang kanyang mister.

Dalawang beses nang napuno ang female celebrity at nilayasan ang kanyang asawa. Pero nagbati rin sila alang-alang sa kanilang anak. Pero nitong huling paghihiwalay nila, talagang ayaw na nga raw ng female celebrity na makipagbalikan pa. Tinutuldukan na niya ngayon ang relasyon nila bilang mag-asawa.

Napagod na raw nga ang puso ng female celebrity. Manhid na siya sa panunuyo ng kanyang mister na bigyan pa niya ito ng isang chance upang buuin ang kanilang pamilya.

No way na makisama pa raw siyang muli sa kanyang asawa. At iyon na talaga umano ang final answer ng female celebrity. Sure na talaga.

‘Yon na!

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleTres Tawanan ng Tres Marias!
Next articleAktor, baril ang pinaputok nang ‘di makapagpaputok kay aktres!

No posts to display