Lumalabag sa Karapatan ng Senior Citizen, Dapat Parusahan

IBINANDERA NG isang kilalang abogado ang kanyang karapatan bilang isang senior citizen laban sa mga kumpanya at establisyimentong hindi kumikilala at nagbibigay ng mga benepisyong laan sa kanila.

Sinabi ng isang 66-anyos na election lawyer na si Romulo Macalintal ang kanyang naging karanasan sa dalawang restaurant na humantong sa pagsasampa niya ng magkahiwalay na kaso sa mga ito.

“Kumain kami sa isang restaurant at sinabi kong ako ay isang senior citizen at sinabi kong wala akong senior citizen card, na hindi ko nadala. Ipinakita ko ang aking driver’s license na pupwede naman sa ilalim ng batas,” ani ng abogado.

Ito ay para sana maka-avail ng 20% na diskwento na nakasaad sa batas. Dumipensa aniya ang staff ng restaurant na polisiya nilang huwag kilalanin ang ibang card maliban sa senior citizens’ card.

Tinutukoy ni Macalintal ang kaniyang karanasan sa minsang pagkakape sa Black Canyon Coffee sa Las Piñas at Cafe Mediterranean sa Resorts World sa Pasay City.

Sinabi pa aniya ang staff dito na dalawang senior citizen lamang ang kanilang tinatanggap sa kada mesa.

Ayon kay Macalintal, maliwanag sa batas na kahit anong ID na inisyu ng pamahalaan at kita ang taon ng kapanganakan ay maaari nang gamitin. Nakasaad sa implementing rules and regulation (IRR) ang mga puwedeng tanggaping ID tulad ng SSS, GSIS, PRC, Voters ID at iba pang government-issued na ID.

Sinuman aniyang lalabag sa IRR ay maaaring maharap sa karampatang kaso.

Paalala niya, dapat hiwalay ang bill ng mga kasama o tagapag-alaga sa mismong senior citizen; ayon lamang ang diskwento sa nakonsumo ng senior citizen.

Nais ni Macalintal na “malaman nilang malaki ang kanilang (establisyimento) responsibilidad sa ating senior citizens.”

Paliwanag niya, dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong ang parusa sa unang opensa. Hanggang anim na taong kulong at kanselasyon ng business permit sa ikalawang opensa oras na may prima facie case at may multa rin itong P100,000.

Kinakalampag din niya ang nilikhang National Coordinating Board sa pagmonitor sa mga establishment kung tumutupad ito sa batas. Binubuo aniya ito ng DSWD, DILG, DOJ at DOH.

Dapat aniyang huwag magbigay ng permit ang mga local government unit (LGU) hangga’t walang nakapaskil na notice kung ano ang mga benepisyo ng isang senior citizen at anu-anong ID ang puwedeng iprisinta.

Payo rin naman niya sa mga magrereklamo, magtungo sa Office of the Senior Citizen Affairs ng munisipyo o lungsod, DSWD o kaya’y sa Office of the Mayor.

Samantala, maaari rin aniya silang maghain ng kaso sa piskalya laban sa establisyimento.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.