Luis Manzano, kinumpirmang GF na si Jennylyn Mercado!

AYAW MANG MAGBIGAY ng detalye, pero kinumpirma sa amin ni Luis Manzano na pormal na ang relasyon nila ng girlfriend na si Jennylyn Mercado. Consistent naman sa mga binibitawang salita dati na naghihintay lang sila ng tamang oras at pagkakataon, nang tanungin namin kung may pagkakaiba ang kanilang relasyon kumpara noong ‘di pa sila umaamin, ayon kay Luis ay wala naman siyang pagkakaibang nakikita sa samahan nila ni Jen noon at ngayon, label lang ang nalagay sa espesyal na namamagitan sa kanila ng aktres.

Naikuwento na hindi pa masyadong nakakapag-bonding sina Jen at ang inang si Gov. Vilma Santos kahit minsan ay naipakilala na niya ito sa pamilya, isang dinner na walang espesyal na okasyon ang naiisip ni Luis para makapag-bond ang dalawang espesyal na babae sa buhay niya.

Patapos na ang pinapagawang bahay kung kaya’t nalalagyan ng intriga na mukhang may balak na raw yatang magpamilya kung kaya’t ito ang pinag-invest-an ng kanyang kinikita, binigyang-linaw sa amin ng TV host/actor na matagal-tagal pa bago ‘yun mangyari. Pero alam niyang darating siya sa ganung punto, mas maganda nga namang handa na siya ngayon pa lang sa ganitong mga bagay. Isang three-bedroom house ang pinapagawa kung saan very hands on pala si Luis mula sa mga kagamitan hanggang sa kaliit-liitang detalye nito. Matagal nang gawa ang structure ng bahay hindi nga lang niya agad naasikaso ang interior nito kung kaya’t puspusan niyang pinatapos bago dumating ang Pasko.

Kasama sa seryeng Alta si Luis, kung saan gaganap sa papel ni Rafael at kapareha ni Angelica Panganiban sa istor-ya.

SA TRADE LAUNCH ng mga bagong shows ng ABS-CBN, nakausap namin sa magkahiwalay na interview sina Kim Chiu at Xian Lim. Magkapareha sa programang My Binondo Girl na mainit na tinatanggap sa ngayon ng publiko, si Xian lang ang masasabing tinanggap ng tao pagkatapos mabuwag ang tambalang Kim at Gerald Anderson. Na-balita agad na may espesyal na relasyon daw na namamagitan sa dalawa, kung saan nagbilin pa raw si Gerald sa isang interview sa kanya na sana ay alagaan ni Xian ang young actress, agad namang sinang-ayunan ni Xian na bilang kanyang leading lady ay inaalagaan at aalagaan niya talaga si Kim. Pero klinaro niya sa amin na hindi siya nanliligaw sa aktres, walang espesyal na relasyong namamagitan sa kanila at ine-enjoy lang nila ang company ng bawat isa bilang magkatrabaho at magkaibigan.

Ganito rin ang naging sagot sa amin ni Kim nang  tanungin namin siya kung nanliligaw ba sa kanya si Xian, para kay Kim ay masaya siya sa pagkakaibigan nila ng aktor pero wala siyang nakikitang move na masasabing nanliligaw o nagpaparamdam nga sa kanya ang kapareha.

Sa amin, tama lang ang ginagawa nina Kim at Xian na maging totoo sa nararamdaman nila at huwag paasahin ang mga fans nila kung wala naman talagang dapat aminin. Naniniwala kami na matatalino na ang mga manonood natin para mabuhay pa sa ilusyon na dapat ay may relasyon ang dalawang magkapareha kahit naman may kani-kaniyang buhay ang kanilang mga hinahangaang artista.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articleSharon Cuneta, 5 years ang kontrata sa tv5!
Next articleDahil daw sa third party na isang non-showbiz businessman/ politician Relasyong Marian Rivera-Dingdong Dantes, ‘di mauuwi sa kasal at maghihiwalay

No posts to display