LTO sa Valenzuela, inirereklamo

NAGREREKLAMO UMANO ang ilang aplikante na kumukuha ng kanilang lisensiya sa pagda-drive ng sasakayan at nagpapa-renew nito sa umano’y nagaganap na maanomalyang pagproseso sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Valenzuela City.

Ayon sa ilang dismayadong aplikante, hindi raw patas ang ibinibigay na pagtrato ng ilang empleyado ng Valenzuela-LTO habang nasa kasagsagan ng pagkuha ng kanilang lisensiya sa nabanggit na tanggapan.

Sinabi pa umano ng mga nagrereklamong aplikante, matiyaga nilang tinitiis ang makupad na pagkilos ng mga empleyado kapag walang “padulas” dahilan upang tumatagal din ang oras sa pag-aantabay nila sa pagproseso ng kinukuhang lisensiya sa pagmamaneho.

“Nasaksihan din po namin ang pagbibigay umano ng “pabor” ng i-lang empleyado ng LTO sa ilang kumukuha ng lisensiya kapalit ng pera,” dagdag pa ng mga aplikante.

Kahalintulad din nito ang naging reklamo ng isang Mr. Marcial Marquez ng Brgy. Dalandanan, Valenzuela City, na kumukuha rin ng lisensiya, na nagsabing may katiwalian talagang nagaganap dahil kung sino man ang gustong mapabilis ang pagproseso sa pagkuha ng lisensiya na kapalit ng salapi ay siyang unang bibigyan ng pabor.

Dahil dito, umaapela ang mga indibidwal na kumukuha ng lisensiya sa Valenzuela-LTO kay Asec.Virginia Torres na kastiguhin ang mga empleyado na hindi nagbibigay ng patas na pagtrato.

(ROMAN MAGPOC)  

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.