Lovi Poe, ‘di matanggihan ang gusto ni Jake Cuenca!

HANGGANG NGAYON NAMAN talaga ay kakaiba ang pagtatangi ni dating Congressman Ronald Singson kay Lovi Poe, kaya para sa kanya ay kakaiba ang saya kapag magkasama sila. Nagtagal din naman ang kanilang relasyon, at medyo nagkaroon lang ng mga pagkakataon na kailangang dumistansiya ng magandang young actress sa anak ni Governor Chavit Singson, dahil nakaka-nega nga naman sa movie career ng dalaga na ang laging napag-uusapan ay ang tungkol sa pagpunta niya sa Hong Kong para damayan sa kanyang naging kaso ang dating kongresista.

Pero ang malungkot lang sa sitwasyon ni Ronald sa ngayon, ‘yung nakakarating sa kanyang pagkakaugnay ni Lovi sa kung sinu-sinong mga lalaki sa showbiz. Kilala naman natin si Lovi na mabait na bata. Pero ngayong sobra na siyang ligawin ng mga kalalakihan, malihim na rin siya pagdating sa kanyang lovelife. Na-link din siya kay Richard Gutierrez dahil ilang ulit na silang nagkasama sa mga proyekto. May pagdedenay sa kanilang dalawa na nagkaroon sila kaugnayan. Kaya lang, si Richard ‘yung tipo ng lalaki na umaamin lang sa kanyang relasyon kapag nagkakabukingan na.

Pagkatapos ma-link kay Richard, ipinangalandakan naman ni Jake Cuenca na si Lovi ang ka-date niya sa gaganaping Star Magic Ball. Ipinaalam na rin ni Jake sa ex-girlfriend niyang si Melissa Ricks, na si Lovi ang makakasama niya sa nasabing party. Sobrang sikip na sa dibdib ang mararamdaman ni Ronald kung ganyang may nararamdaman pa rin siya kay Lovi, pero habang nasa Hong Kong pa rin siya, dito naman sa Pilipinas ay maraming umaaligid ng ligaw sa magandang aktres.  Katulad ni Richard, si Jake din ay hindi umaamin sa real score ng kanyang lovelife hangga’t hindi nagkakabukingan. Hindi Kapamilya star si Lovi, at para pumunta ka sa party ng Star Magic, ibig sabihin ay may pagpapahalaga rin siya sa pakiusap ng hunk actor na hindi niya matanggihan.

 

GUSTO NA RIN talagang umiwas ni Dennis Trillo na mapag-usapan pa ang dati niyang karelasyong si Jennylyn Mercado, dahil ang nararamdaman niya ay para raw ang dami-dami pa ring gustong uriratin at sariwain ang tungkol sa mga naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Hindi na raw matatapos ang intriga kung laging may pagpaparatingan ng mga salitang nanggagaling sa bawat isa, na nabibigyang-kulay ng ibang tao.

Kung si Jennylyn ay nakadikit na ngayon ang pangalan sa masugid niyang manliligaw na si Luis Manzano, si Dennis naman ay wala pang inaamin na bagong babae na pupuwedeng pagtuunan niya ng pansin mula sa kalungkutan na naramdaman niya sa paghihiwalay nila ni Jen. Pero marami na rin ang nakakapuna na nagiging malapit sila sa isa’t isa ni Bianca King. Para raw magaan ang loob ng dalawa sa isa’t isa, kasi nga’y lagi silang nagkakasama sa taping ng kanilang teleserye.

Pinagdududahan siyempre na baka raw ang may pakana ng mga balita tungkol kina Dennis at Bianca ay mga taga-GMA-7 mismo, dahil magkapareha nga ang dalawa sa drama series na Sinner Or Saint. Pero hindi ba’t sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ay sa “Marimar” nagsimula ang ligawan patungo sa relasyon nila hanggang ngayon? Bagay rin kasi sina Dennis at Bianca, at ang tipo ni Bianca ay hindi nalalayo sa kagandahan ng mga babaeng naunang nakarelasyon ni Dennis, gaya nina Carlene Aguilar, Cristine Reyes, Pauleen Luna at Jennylyn.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.