Lolo na Aakyat ng Ligaw, Kritikal sa Aksidente

NASA KRITIKAL na kundisyon ang isa 65-anyos na Lolo nang humampas ang mukha at ulo nito sa semento matapos na mabangga ang isang nagbibisikleta habang ito ay aakyat sana ng ligaw sa Brgy. Malamig, Bypass Road, Bustos, Bulacan.

Sa ulat ni P/ Chief Insp. Arwin Tadeo, kinilala ang naaksidenteng si Soriano Marcoso, isang magsasaka, ng Brgy. Umpucan, San Ildefonso, Bulacan, at ang nabangga nitong si Belinda Coronel, 31, ng NIA Road, Brgy. Malamig.

Base sa ginawang imbestigasyon ni PO2 Glenn Cruz, may hawak ng kaso, bandang alas-7:30 ng gabi, habang papunta si Soriano sa bahay ng kanyang ni-liligawang si Anita ng Brgy. Camachilihan, Bustos, sakay ng Honda Wave 100 na may plakang 8065-CE, dahil madilim ang nasabing lugar nabangga nito ang nagbibisikletang si Coronel na sakay ng isang itim na mountain bike.

Nabatid na sa kasamaang palad, humampas ang ulo at mukha ng matanda sa semento, habang nagtamo naman ng mga pasa sa beywang si Coronel.

Sa kasalukuyan, nasa kritikal pang kalagayan si Soriano sa pagamutan at kasabay nito’y labis naman ang pag-aalala ng nililigawang si Anita dahil balak na umano nilang magpakasal sa Abril 15 sa taong kasalukuyan.

Nagpapagaling pa si Coronel sa pinagdalhang ospital, habang si Marcoso ay marami pang pagsusuring dadaanan dahil sa nakitang pamumuo ng dugo sa ulo nito.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.