Lola, Kinatay ng May Sayad

DEAD-ON-THE SPOT ANG isang lola matapos na pagtatagain ng isang lalaking pinaniniwalaang may diperensya sa pag-iisip sa bayan ng Paracale sa Camarines Norte.

Kinilala ang nasabing  biktimang si Justina Jardino, 71-anyos, byuda at residente ng Purok 2, Barangay Dalnac, sa nabanggit na bayan.

Base sa impormasyon ng Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalaba lamang ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang dumating ang salarin na si Froilan Lamadrid, 37 taong gulang ng parehong lugar dala-dala ang isang patalim.

Sa hindi malaman na dahilan, pinagtataga nito ang matanda.

Nagtamo ng maraming saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima na naging dahilan ng agad nitong kamatayan.

Isinugod pa sa Funeraria Belmonte sa Labo, Camarines Norte ang bangkay ng biktima para isailalim sa awtopsiya.

Samantala, inaresto naman ang salarin na pinaniniwalaang may sayad.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Paracale Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.