LJ Reyes, kaya nang makipagsabayan kina Dawn Zulueta at Nora Aunor

LJ Reyes, kaya nang makipagsabayan kina Dawn Zulueta at Nora AunorNagiging hayup na sa galing bilang aktres si LJ Reyes. Ilang taon na ring napapansin na gumagaling siyang kontrabida sa mga teleserye ng GMA 7. Pero hindi siya huminto sa ganun lang. Wala siyang pakialam kung hindi siya reyna ng Siyete katulad nina Marian Rivera, Carla Abellana, at Heart Evangelista. Ang naging katuwiran na lang niya ay ibibigay na lang niya lagi ang todo ng kanyang galing sa pag-arte, para naman magkaroon din siya ng marka sa showbiz.

Palaban na ang kahusayan ni LJ Reyes bilang aktres ngayon. Napakahusay at mapangahas siya sa pelikulang “Anino Sa Likod Ng Buwan” kasama ang mahusay ring actor na si Luis Alandy. Hayup si LJ sa galing sa pelikulang iyon, dahil napakahirap ng script na ginamit. Mistula iyong stage play na umikot lang ang mga eksena sa isang kubo at sa paligid noon. May breast exposure ang Kapuso star. Napakahaba ng exposure niya, at lumutang talaga siya dahil mula sa simula hanggang sa katapusan ng kuwento ay naroon ang igting at hindi lumaylay ang acting niya.

Hayun, sa katatapos na 32nd PMPC Star Awards For Movies ay si LJ ang mahigpit na nakalaban nina Nora Aunor, Bea Alonzo, Dawn Zulueta, at Iza Calzado sa best actress category. Kinabog ni LJ ang maraming Kapuso stars, dahil maipagmamalaki siya ng GMA, na sa hanay ng kanilang mga artista ay nakipagsabayan ang acting ni LJ kina Dawn Zulueta at Nora Aunor.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.