Life sa Gunman ng Reporter

HABAMBUHAY NA pagka-bilanggo ang ibinigay na parusa sa isa sa dalawang gunman sa pagpatay sa reporter sa Caloocan City mahigit pitong taon na ang nakakaraan.

Sa 25-pahinang desisyon ni Judge Eleonor Kwong ng Caloocan City  Regional Trial Court Branch 128, kahapon ng umaga ay napatunayang si Rommel Lirasan, ng Dasmarinas, Cavite, ay isa sa pumatay sa biktimang si Alberto Orsolino, reporter ng pahayagang Saksi.

Base sa record, nakasakay si Orsolino sa kanyang kotse, alas-10 ng umaga noong Mayo 16, 2006 nang maisipan nitong magkarga ng gasolina sa Hannibal Gasoline Station sa Letre, Caloocan City.

Bubuksan pa lamang ng biktima ang pinto ng kanyang sasakyan nang barilin ito sa tagiliran ng kasama ni Lirasan na kapwa lulan sa isang motorsiklo bago tumakas.

Ilang traffic enforcer naman ang nakapansin sa pangyayari na naging dahilan upang habulin ang mga tumatakas hanggang iwan ng mga huli ang dalang motorsiklo.

Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, nalaman na ang motorsiklo ay pag-aari ni Lirasan at nang malaman ng huli na pinaghahanap na siya ng mga pulis maging ang mga kasama sa krimen ay minabuting sumuko hanggang basahan ng sakdal.

Patuloy pa rin ang pagtugis sa mga kasama ni Lirasan sa pagpatay kay Orsalino na naging president ng Camanava Press Corps, kagawad ng Barangay Tonsuya at president ng Letre Urban Poor Association.

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.