Lider ng Tribo, Binaril sa Pagtutol sa Illegal Mining

NADAKIP ANG isang kapitan ng barangay matapos nitong barilin ang city tribal chieftain sa Brgy. Pigsag-an, Cagayan de Oro City.

Ito’y dahil sa mariing pagtutol ng biktimang si Fausto Orasan o Datu Sandigan sa matagal nang kalakaran ng illegal mining operations umano ng suspek na si Pigsag-an Brgy. Kap. Salvador Mesca sa naturang lugar.

Sinabi ni S/Insp. Erickson Sabanal na siyang hepe ng Lumbia Police Station, base umano sa salaysay ni Orasan, nagsimulang magalit si Mesca dahil tatlo sa kanyang backhoe units ang nakumpiska ng joint operations ng PNP, Mines and Geosciences Bureau (MGB) at DENR-10.

Ginamitan umano ni Mesca ng garrand rifle nang binaril nito si Orasan dahilan upang magtamo ito ng ilang tama ng bala sa katawan kamakailan.

Kinumpirma ni Sabanal na kabilang si Orasan na kanilang informant laban sa talamak na illegal mining operations sa matataas na barangay sa siyudad.

Ayon kay Orasan, nangyari umano ang pagbaril sa kanya nang tinanggihan nito si Mesca na makapagpatuloy pa sa pagmimina.

Sinabi rin ni Orasan na tumanggap umano ng proteksyon si Mesca mula sa mga mataas na opisyal ng siyudad.

Una rito,inaakushan din ni Orasan sina Brgy Kag. Alvin Jabla, Kag. Rodolfo Mesca Jr at Kag. Sonny Lundahan bilang financiers ni Mesca sa mining operations.

Iginiit naman ni Mesca na lahat ng akusasyon ni Orasan ay walang katotohanan. Sinabi nito na wala siya’ng kahit anumang atraso sa illegal mining operations salungat sa ibinintang ni Orasan.

Si Mesca ay nakatakdang sampahan ng mga awtoridad ng kasong frustrated murder at paglabag ng Comelec gun ban sa susunod na linggo dahil sa ginawa nitong krimen.

Samantala, dahil dito sinabi ng opisyal na patuloy ang isinasagawang clearing operations ng mga kasapi ng Philippine Army na nakabase sa naturang lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.