Lider ng mga Napatay na Magnanakaw, Timbog

ORMOC CITY – NAHULI ng mga operatiba ng PCP1 ang isa sa mga lider ng grupo ng magnanakaw na kasalukuyang pinaghahanap ng mga pulis kaugnay sa mga nagaganap na nakawan sa lungsod sa isang operasyon sa Brgy. Lake Danao, dakong alas-12:20 ng tanghali nitong Miyerkules.

Kinilala ni P/Insp. Shevert Alvin Machete ang nahuli na si Ruel Manidlangan y Sotto, may asawa, residente ng Burauen, Leyte at kasalukuyang nani-nirahan sa nasabing barangay.

Inihayag ni Insp. Machete na naglalakad umano sa isang maliit na kalye ang suspek nang ituro ng kanilang impormante kung kaya hindi na ito nakaporma nang sunggaban nila ito. Nakuha diumano sa pag-iingat nito ang isang kalibre .38 ng paltik na revolver na may lamang limang buhay na bala, at isang granada.

Ani Machete, si Manidlangan diumano ang utak sa naganap na robbery sa Motortrade nitong nakalipas na Disyembre 31 base sa pagtuturo ng manager ng nasabing tindahan ng motor na si Ramil Agner. Si Manidlangan diumano ang siyang nanutok at kumuha ng pera galing sa kaha ng nasabing tindahan, kung saan aabot sa halagang P45,000 ang natangay ng tatlo. Kasama ni Manidlangan noon sina Anderson Perez at Ruel Publico na kapwa napatay ng mga pulis matapos agawin ang baril ni SPO3 Tomas Serrano na isa sa mga escort ng dalawang nahuling suspek nang puntahan nila ang bahay umano ng mga kasamahan nila sa Nadongholan.

Napag-alamang si Manidlangan ay kalalabas pa lang mula sa pagkapiit sa city jail nitong Setyembre matapos itong masangkot sa isang frustrated murder noong 2009. Nawala umano ang dalawang principal na testigo kaugnay sa kanyang kaso, kung kaya ang pamilya ng kanyang biktima ay umatras sa kanyang kaso sa takot na mawala rin katulad ng dalawang mga testigo.

Kasong paglabag sa R.A 8294 o illegal possession of firearms and explosives ang paunang kasong isinampa ng mga nakahuling pulis laban sa suspek. (Roberto C. Dejon)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.