Lider ng Gun For Hire at Robbery Hold-Up Gang, Timbog sa Oplan Salikop

MATAPOS ANG mahigit sa isang buwang pagsu-baybay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detetction Group at Community Intelligence Support (CIDG-CIS), nadakip ang lider ng tinaguriang Barcelona Criminal Gang sa lungsod ng Caloocan gabi ng Pebrero 15.

Sa ulat na ipinadala ni P/Chief Inspector Richard Caballero kay CIDU Regional Chief P/Sr. Supt. Elmo Francis Sarona, kinilala ang nadakip na suspek na si Ricardo Barcelona Y Casino, 34 anyos, residente ng Brgy, Sta. Peregrina, Pulilan, Bulacan.

Base sa inisyal na imbestigasyon nina SPO1 Edwin Pagsibigan at SPO1 Luisito Hipolito, dakong alas-8:45 ng gabi nang matukoy ng mga awtoridad ang pinagtataguan nito sa Zone 176, Phase-10A, Package-1, Lot-3, Blk-28, Bagong Silang, Caloocan City.

Dinakip si Barcelona sa pamamagitan ng “Oplan Salikop” at sa dalawang bisa ng Warrant of Arrest na ipinalabas ni Branch 258 Parañaque City Judge Noemi Balitaan at Mandaluyong City RTC Branch 59 Judge Flordeliza Silao sa kasong pagblabag sa PD 1866 at Republic Act 8294.

Nabatid na sangkot sa kasong Robbery Hold-Up at Gun For Hire ang grupo ni Barcelona sa Metro Manila at Bulacan, kung saan napatay sa engkuwentro ang kasamahan nito lamang nakalipas na linggo na si Jonnel del Rosario sa Mandaluyong City na residente ng Sta. Maria.

Ayon sa suspek, tatlo hanggang apat ang miyembro ng Barcelona Criminal Gang kung saan dalawa pa sa kanyang kasama ang nakalalaya sa kasalukuyan na pawang mga armado ng mataas na kalibre ng baril.

Samantala, detenido ngayon ang suspek sa CIDG Detention Cell.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.