Letran Player, Sugatan sa Ratrat; Live-In Partner, Dedo

SUGATAN ANG basketball player ng Letran Knights habang nasawi ang live-in partner nito matapos tambangan ng riding-in-tandem pagkatapos ng laro ng koponan sa San Juan Arena Sabado ng gabi.

Kinumpirma ni San Juan Police Chief Bernard Tambaoan na binawian ng buhay sa opsital si Joan Sordan, bunsod ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa katawan dahil sa insidenteng nangyari sa N. Domingo Street, San Juan malapit sa Araneta Avenue.

Stable naman ang kalagayan ng kasintahan ni Sordan at manlalaro ng Letran Knights player na si Franz Dysam.

Lumalabas sa pagsisiyasat, sakay si Dysam at Sordan ng kulay abong Nissan Sentra (ZLA 176) at binabagtas ang N. Domingo St. nang pagbabarilin ng dalawang ‘di nakilalang suspek na kapwa naka-helmet.

Nagawa pa umanong maisugod ni Dysam ang kinakasama sa San Juan Medical Center subalit binawian din ito ng buhay dahil sa tama sa dibdib mula sa kalibre .45 baril.

Nangyari ang nasabing pamamaril, ilang oras matapos ang laban ng Letran Knights sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) tournament kontra Lyceum. Tinalo ng Letran ang LPU sa iskor na 61-53.

Binubusisi naman ng mga awtoridad ang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa lugar upang malaman ang buong pangyayari.

Away naman sa pag-ibig ang isa sa mga anggulong tinututukan ng mga kinauukulan sa pananambang sa magkasintahan.

Ayon kay Dysam, may dating ka-relasyon si Sordan na isang dating pulis at ginugulo umano ang kanilang relasyon.

May pagbabanta rin umano si Dysam mula sa isa pang basketball player na dating nakarelasyon ni Sordan.

Posible rin namang may kaugnayan ito sa trabaho ni Sordan bilang casino financier.

Samantala, naka-confine sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital si Dysam.

Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat sa insidente kung saan sinusuri na ng PNP Crime Laboratory ang  bangkay ni Sordan at ang cellphone nito na posibleng makuhaan ng ebidensya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.