Legal na Paghihiwalay

 

Dear Atty. Acosta,

IKINASAL PO ako noong 2003 sa Maynila. Ngunit naghiwalay rin po kami ng aking asawa noong Abril 2005. Madalas po kaming mag-away bago kami naghiwalay. Sinabi po niya na gusto niyang mapag-isa kaya kailangan niyang lumayo muna. Sabi niya mag-usap na lang daw kami pagbalik niya. Bumalik po ako sa aking mga magulang noong kami’y naghiwalay ng aking asawa. Pinag-aral po nila ako ng nursing. Noong Oktubre 2005 ay nabalitaan ko po na may girlfriend na ang aking asawa. Mayroon na po silang anak at nagsasama na sila ngayon sa iisang bubong. Nalaman ko pong ibinenta niya ang kotse at ang lahat ng gamit sa bahay na pag-aari naming dalawa. Tinangka ko po na kausapin ang aking asawa para mapag-usapan ang aming paghihiwalay, pero ayaw niya akong harapin. Maaari po ba akong magsampa ng kaso para maging legal ang aming hiwalayan kahit na hindi pa kami nagkakausap? Posible po bang maipasa ang gastos kung sakaling magsampa ako ng kaso?

Mel

 

Dear Mel,

BAGO NAMIN sagutin ang iyong katanungan ay nararapat na ihambing muna natin ang pagsasampa ng legal separation sa declaration for nullity of marriage at annulment of marriage. Ang petition for legal separation ay isinasampa para maging legal ang paghihiwalay ng mag-asawa. Kapag sapat ang basehan para sa legal separation, ang korte ay magbababa ng kaukulang utos na pinapayagan na hindi magsama ang mag-asawa. Ang mag-asawa ay mananatiling kasal pa rin dahil hindi naman napapawalang-bisa ng legal separation ang kasal. Samantala, ang petition for declaration of nullity of marriage at petition for annulment of marriage ay isinasampa kapag nais ng nagsampa na ipawalang-bisa ang kasal niya sa kanyang asawa.

Kung nais mo lang na maging legal ang paghihiwalay ninyong mag-asawa nang hindi napapawalang-bisa ang inyong kasal, ang dapat mong isampa ay petition for legal separation. Ngunit kapag gusto mong ipawalang-bisa ang inyong kasal, ang dapat mong isampa ay petition for declaration of nullity of marriage o petition for annulment of marriage.

Ang mga petitions for legal separation, declaration of nullity of marriage at annulment of marriage ay maaaring isampa ng kahit sino sa mag-asawa. (Section 2, Rules on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages at Section 2 ng Rules on Legal Separation). Ang nagsampa ay tinatawag na Petitioner. Samantala, ang kanyang kabiyak ang magiging Respondent sa petisyong isinampa. Isasaad ng Petitioner sa kanyang petisyon ang mga basehan para mag-utos ang korte ng legal separation, declaration of nullity of marriage o annulment of marriage. Dito, ipinagbabawal ang sabwatan ng mag-asawa para maaprubahan ang petisyon. Kaya nga inaatasan ng solicitor general ang public prosecutor para mag-imbestiga upang masiguradong walang sabwatang naganap o magaganap sa pagitan ng mag-asawa. (Section 9, Rules on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages at Section 6 ng Rules on Legal Separation). Kaya nga hindi kinakailangan na makausap pa ang Petitioner at ang kanyang kabiyak para maisampa ng petisyon. Hindi rin kinakailangan ang pagsang-ayon o pirma ng kabiyak para maisampa ang petisyon.

Maaari kang magsampa ng petisyon kahit hindi pa kayo nagkakausap ng iyong asawa. Tungkol naman sa gastusin kaugnay ng pagsampa ng petisyon, hindi posible na maipasa ito sa iyong asawa. Ang docket at iba pang legal fees na ipinapataw ng korte pati na rin ang attorney’s fee ng pribadong abogadong maghahawak ng kaso ay babayaran mo dahil ikaw ang magsasampa ng kaso.

Ang Public Attorney’s Office (PAO) naman ay nagbibigay ng libreng serbisyong legal. Hindi ka na rin magbabayad ng docket at iba pang legal fees sa korte kapag napatunayan mo na indigent litigant ka ayon sa Section 21, Rule 3 ng Rules of Court.

 

Malugod po namin kayong  inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

loading...

3 thoughts on “Legal na Paghihiwalay

  1. good day mam before and after i got married i discover my husband is cheating on me 3 girls na yung nahuli ko through tex at nkausap ko sa phone.yung pang 3rd girl nalaman ko sa kanya na almost 2 years na sila that was nov 2012 ko nalaman and this year i dont have evidence pro i had a feeling my husband is still cheating.gusto ko sya kasuhan pra mabigyan sya ng leksyon sa mga ginagawa nya skin na to the point nagkakasakit ako malimit ng uti& sa sakit ng kalooban nagkaroon ako ng cardiac dysrhymia we’ve been married since 1992 but all i remember is his being a serial cheater.i hope&pray that you will help me please

  2. mam,manghihingi lang sana po ako payo ,hindi po kami kasal ng kinakasama ko po,may dalawa po kaming anak na lahat babae,yung panganay magto-two years old, at yung bunso 3mons. palang po.nagtatrabaho po ako bilang construction worker dito sa maynila, at sya po ay nasa probinsya namin kasama ang aking biyanan na babae,regular po akong nagpapadala kada linggo,lagi po kaming nag aaway,halos araw araw na po,ang pinaka ayaw ko lang po sa pinag aawayan namin ay sa anak namin,kapag po hindi niya mapatahan, pinapalo,halos gabi gabi nalang daw pong ganun, kasi kapit bahay namin sa probinsya, kapatid ko bahay ng magulang ko,kaya minsan kinukuha ng magulang ko ang panganay naming anak,at isa pa isang beses tumawag ako sa amin,siguro hawak ng panganay ko yung cellphone pinaglalaruan,o ginawang pampatahan,nasagot yung tawag ko, hello ako ng hello,pero ang naririnig ko eh umiiyak ang anak ko,gabi na rin po yun,narinig kong pinagagalitan,at yung boses ng biyanan kong babae sinabi na “kapag hindi ka tumahan ilalabas kita”kaya potapos marami pang sinabi na hindi ko na maintindihan kasi po salitang bisaya na yun,,kung nagkataon na may memory card yung cellphone ko eh irerecord ko sana kaya nakuntento nalang po ako sa naririnig ko na wala akong magawa para ipagtanggol ang anak ko,anu po ang gagawin ko po,nakikipaghiwalay po ako sa kinakasama ko ,gusto ko sanang itakas ang mga anak ko sa kinakasama ko,pero alam kong mapaparusahan ako,sana matulungan nyo po ako,maraming salamat po,

  3. maari po ba akong manghingi ng payo patungkol sa aking kasal. halos 5 taon na po kaming hiwalay ng aking asawa at gusto ko na po mag karoon ng sariling kong buhay. sinasaktan nya ako nuon mag kasama pa kami at wala syang trabaho nuon. umaasa lang siya sa bigay ng kanyang mga magulang at ako ang may trabaho. medyo walang patutunguhan ang aming pagssama kasi sa twing uuwi ako ng gabi galing trabaho sinaskatan niya ako kasi ndi na raw yun uwi ng may asawa.. ngunit kailangan ko rin taousin ang trabaho ko pra rin ndi na ako mahiarapan sa mga susunod na araw. ako po ay nagttrabaho before sa isang banko. hanggang sa isang araw medyo napuno na ako at umuwi na ako sa bahay ng aking mga magulang.. hanggang ngayon sa twing pupunta siya ng bahay pra puntahan ang mga anak niya nananakot siay at sinasabing ndi ako pwedeng sumaya at ndi ako pedeng maging masaya.. kung saka sakaling magkakaroon daw ako ng relasyon sa iba ay papatayin daw niya ako.. pano po ako makakatakas sa mga pananakot niya samamtalang 5 taon na kming hiwalay. sana po mabigyan nyo ko ng payo.. 2 po ang anako ko sa kanya at ang mga magulang ko ang sumusuporta sa amin. up to now wala siya binibigay na suporta sa mga anak nya.

Leave a Reply

Your email address will not be published.