Lasing na Pulis, Dakip sa Gun Ban at Panunutok ng Baril

HINULI NG kanyang mga kabaro ang lasing na bagitong pulis matapos tutukan ng baril ang dalawang tricycle driver nang maasar ang una makaraang sabihan ng mga huli na hindi madaraan ang tulay sa Valenzuela City kamakalawa ng umaga.

Nahaharap sa kasong 2 counts na grave threat at paglabag sa Omnibus Election Code si PO1 Carlo Martin Ramirez, 29, nakatalaga sa Bulacan Provincial Safety Company at residente ng Jacinto St., Malolos Bulacan.

Sa ulat, alas-12:10 ng umaga, nakatanggap ng tawag sa telepono na may isang lalaki na may dalang baril at tinutukan ng baril sina Ernesto Pascual at Jimmy Pascual sa Que Grande St., General T. De Leon ng lungsod.

Nang respondehan ay inabutan ng mga pulis ang kabaro sakay ng kotse na agad na sinita at pinababa.

Agad na kinuha ang .9mm na baril ni Ramirez na nagpakilalang pulis subalit nang hingan ng kaukulang papeles ay walang naipakita ang una na naging dahilan upang dalhin sa presinto at sampahan ng mga nasabing kaso.

Ayon sa mga biktima, sinabihan lang nila si Ramirez na hindi madaraan ang tulay sa nasabing lugar dahil sarado na ikinagalit ng pulis sabay baba ng kotse at nanutok ng baril sa mga una bago sinabing “Isumbong ninyo ako kay Tulfo, hindi ako natatakot kay Tulfo.”

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.