Lasing na Parak, Arestado sa Panunutok ng Boga sa Bebot

ARESTADO ANG isang elemento ng Philippine National Police (PNP) makaraang ireklamo ng isang babae ng panunutok ng baril habang nasa espiritu ng alak sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni PO2 Jonathan David, ng Caloocan City Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang suspek na si PO1 Reynaldo Fortaliza, 36, binata, PNP member, nakatalaga sa Station-3 ng Manila Police Disrtict (MPD) at residente ng # 170 P. Zamora St., ng nabanggit na lungsod.

Samantala, ang nag-reklamong babae ay nakilalang si Maricar Mallari, 29, dalaga, cashier at naninirahan sa # 280 Dona Consuelo St., Caloocan City.

Base sa ulat ng pulisya, ang nasabing panunutok ng baril ay naganap sa kahabaan ng P. Zamora St.,  dakong alas-12:10 ng umaga.

Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang nasabing babae sa lugar ng pinangyarihan ng insidente nang madaanan nito ang lasing na pulis na nakaupo sa kanyang motorsiklo.

Sa puntong ito ay dinuro-duro ng lasing na pulis si Mallari habang naglalakad at pinagsabihan pa ang biktima ng mga katagang, “Kilala mo ba ako?”

Kaagad namang sinagot ng biktima ang pulis ng, “Hindi kita kilala.” Dahilan upang ang pulis ay mairita kung saan agad na kinuha nito ang kanyang service .45 caliber pistol na nakalagay sa compartment ng kanyang motorsiklo sabay tutok ng baril sa ulo ng babae at nagbitaw pa uli ang una ng katagang, “Ngayon, gusto mo na akong makilala?”

Isang residente sa nasabing lugar ang umawat sa pulis habang ang babae naman ay mabilis na humingi ng police assistance sa tatlong nagpapatrolyang pulis dahilan upang ang suspek ay arestuhin.

Ang suspek na pulis ay nahaharap sa kasong Grave Threat, Illegal Possession of Firearm at paglabag sa Ommibus Election Code.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.