Lapid at Recto, ‘di sangkot sa NABCOR scam

PINABULAANAN NI Justice Secretary Leila De Lima ang pagkakadawit nina Senador Lito Lapid at Ralph Recto sa milyong-pisong anomalya sa pondo ng National Agri-Business Corporation (NABCOR).

Ayon sa kalihim, wala siyang nakitang pangalan ng dalawang mambabatas sa sinumpaang salaysay nina dating NABCOR official Rhodora Mendoza at Victor Cacal.

Maaalala na base sa pinirmahang salaysay ni Mendoza, dating vice president of finance ng ahensya, bukod kina Sen. Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Juan Ponce-Enrile at dating Sen. Edgardo Angara, nag-endorso rin umano sina Sen. Lapid at Recto sa kwestyunableng non-government organizations (NGOs) para sa pondo ng Ginintuang Masaganang Ani (GMA) Program noong 2007.

Sa P300 milyong pondo ng GMA ng NABCOR, P65 milyon ang napunta sa tatlong NGOs na dawit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), ayon sa Commission on Audit (COA).

Sinabi ni De Lima na pawang congressmen at congresswomen lamang ang kanyang nakitang pangalan sa sworn statement.

Inihayag pa ng kalihim na ibibigay pa lamang niya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang salaysay para makapagsagawa ng pagsisiyasat.

Tinanong na rin ni De Lima si Atty. Levito Baligod, legal counsel ng mga dating opisyal ng NABCOR kaugnay ng naturang report, subalit hindi pa rin ito sumasagot.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.