Landslide: 4 nalibing nang buhay

MALAGIM ANG sinapit ng isang pamilya matapos  sabay-sabay na malibing nang buhay ang mga ito nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tirahan sa bayan ng Midsalip, Zamboanga del Sur.

Ito ang kinumpirma ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Benito Ramos kasunod na patuloy na pag-ulan sa rehiyon ng Mindanao dulot ng hanging habagat.

“Nakalulungkot ito, mayroong buong pamilya natabunan sa Midsalip ng Zamboanga del Sur. Apat ang napatay, dalawa ang nasugatan sa landslide,” ayon kay Ramos.

Gayunman, patuloy pang inaalam ang kumpletong pangalan ng mga biktima na nakatira sa isang liblib na pook at malayo ang bahay nito sa iba pang residente sa lugar.

Sa huling datos, umakyat na sa 45 ang bilang ng mga namatay habang 35 naman ang sugatan, dahil sa masamang lagay ng panahon sa bansa.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang opisyal na bagama’t malayo na sa bansa ang bagyong Gener, nakakaapekto pa rin sa pangkalahatang lagay ng panahon ang southwest monsoon o habagat.

“Iyong ating mga kababayan, maski kahit wala ng bagyo, pag-ingatan lang sana itong mga low-lying areas at mga landslide-prone areas,” dagdag ng opisyal.

(EUNICE CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.