Lamayan, Inararo ng Truck; 9 Sugatan

SIYAM NA katao ang nasugatan kabilang ang isang buntis makaraang araruhin ang isang lamayan ng isang delivery truck kamakailan sa Makati City.

Isinugod sa ospital ang mga biktima kabilang ang buntis na si Zaira Castro, Lilibeth de Castro, Sharmaine Carandang, Leny de Castro, Rachel Corra, Tristan del Rosario, Mike Chester del Rosario, Neil Olegario at Mark Angelo Olegario.

Nadakip naman ang driver ng nakabundol na delivery van (RLZ-323) na si Ismael Macay, ng  Dona Pedro Street, Brgy. Poblacion, ng nasabing lungsod.

Sinabi ni SPO1 Daniel Semproc, ng Makati Police-Traffic Management Unit na binabagtas ni Macay ang JP Rizal Street nang mawalan ng kontrol at mabundol ang grupo ng tao na naglalamay sa may kanto ng Bernardio Street.

Depensa naman ng driver, iniwasan umano niya ang isang lalaki na biglang tumawid sa lugar kaya bigla niyang nakabig ang manibela at mabundol ang mga naglalamay sa gilid ng kalsada.

Samantala, hindi naman paniwala dito ang mga awtoridad dahil sa hinalang nasa impluwensya ng alak si Macay makaraang isailalim ito sa “breath analyzer”.

Sa ngayon, nahaharap ang salarin sa patung-patong na mga kaso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.